HINIHIKAYAT ng isang eksperto ang publiko na pansinin at bigyan ng halaga ang banta ng kalikasan hinggil sa posibilidad ng tsunami, isang serye ng mga dambuhalang alon na nililikha ng mga lindol.
Ang paggalaw ng lupa dulot ng lindol na lumilikha ng tsunami, ang biglaan at kakaibang pagbaba ng tubig sa dagat, gayundin ang kakaibang malakas na tunog ng rumaragasang tubig ay ilan lamang sa mga paalala ng kalikasan na sasapulin ng isang tsunami ang kalupaan, ito ang paalala ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) science research assistant Leniel Villalobos.
“People must learn to recognize such signs and run to high ground when they observe these,” paliwanag niya sa inang panayam. “People must act as fast as they can since historical records show it takes an average of only two to five minutes for a local tsunami to landfall after the occurrence of an earthquake.”
Noong Disyembre 2015, itinakda ng UN General Assembly ang Nobyembre 5 bilang World Tsunami Awareness Day (WTAD) – isang taunang okasyon para sa pagsusulong ng kaalaman sa panganib ng Tsunami upang maiwasan at mabawasan ang bilang ng mga maaaring masawing buhay.
Nitong Nobyembre 5-6, pinangunahan ng Phivolcs ang pagdaraos ng 2018 WTAD, na layuning isulong ang pagbibigay-kaalaman tungkol sa tsunami kasama ng disaster risk reduction and management.
Ayon sa Phivolcs, malapit sa banta ng mga tsunami ang Pilipinas, lalo’t may mga earthquake generators ang bansa tulad ng Manila Trench, Negros Trench, Sulu Trench, Cotabato Trench, Philippine Trench at East Luzon Trough.
Ipinaliwanag niya na isang offshore earthquake, na may lakas na magnitude 6.5 o higit pa, ay maaaring magdulot ng tsunami.
Hinikayat ni Villalobos ang mga tao, partikular ang mga nasa baybaying komunidad, na magbantay at pansinin ang mga paalala ng Phivolcs sa tsunami.
“It’s also still important to learn what nature’s warning signs are so people can run to safer ground even if they can’t receive our advisories,” paglilinaw niya.
Ayon sa Phivolcs, 38 katao ang nalunod sa tsunami na dulot ng tumamang magnitude 7.1 na lindol sa Mindoro noong Nobyembre 15, 1994.
Habang isang magnitude 8.1 na lindol noong Agosto 17, 1976, dulot ng paggalaw ng Cotabato Trench, ang lumikha ng tsunami na kumitil ng nasa 6,000 katao- ang pinakamalalang tsunami na tumama sa bansa.
Sinabi naman ni Phivolcs OIC and DoST Undersecretary Dr. Renato Solidum, Jr. na mayroong historical evidence ng tsunami sa Metro Manila.
Nakatuon ang 2018 WTAD sa ikatlong target ng Sendai Framework for Disaster Risk Reduction na mabawasan ang “direct disaster-related economic losses in relation to global GDP by 2030.”
Sa kanyang mensahe sa 2018 WTAD, sinabi ni UN Secretary-General Antonio Guterres na ang pagbabawas ng ‘economic losses’ ay mahalaga upang masugpo ang matinding kahirapan sa daigdig.
“Over the past two decades, tsunamis have accounted for almost 10 percent of economic losses from disasters, setting back development gains especially in countries that border the Indian and Pacific Oceans,” paliwanag niya.
Binigyang-diin ni Guterres ang kahalagahan ng maagang paalala, impormasyon, agham, gayundin ang mga disaster prevention and preparedness sa pagsusulong ng kaalaman at prediksyon ng tsunami sa publiko.
PNA