Ipinawalang-sala ng Sandiganbayan First Division sa kanyang falsification charge si Maasim Mayor Aniceto Paras Lopez, Jr. ng Sarangani Province, na sumuko sa awtoridad sa possession of illegal drugs noong nakaraang taon.
Una na siyang kinasuhan ng paglabag sa Article 171(4) ng Revised Penal Code, kasama sina Municipal Treasurer Moises Magallona, Jr. at Municipal Budget Officer Reina Jamora sa pagbibigay ng maling pahayag hinggil sa Internal Revenue Allotment Adjustment, na nagkakahalaga ng P10,750,000, ng munisipalidad.
Ipinalabas nila sa Supplemental Budget No. 2 for 2010 na ang pera ay available bilang isa sa mga mapagkukunang pondo para sa Appropriation Ordinance No. 10-11- 002 na may petsang Pebrero 15, 2010, kahit na hindi pa ito available noong araw na iyon.
Dahil sa ordinansa ay nailuklok ni Lopez, Jr. ang 84 na regular empleyado sa unang bahagi ng 2010, na ikinagalit ni Maasim Mayor Jose Zamorro na nagnanais magluklok ng sariling mga tao.
Naniniwala si Zamorro na hindi valid ang pagtatalaga, at ipinagdiinan ang kanyang reklamo na ang supplemental budget ay kinakailangang suportado ng actual available funds, na nakasaad sa Section 321 of the Local Government Code.
"From the foregoing discussions, it appears clear that the liability of the accused for the crime charged has not been established with the required quantum of proof. Consequently, their acquittal becomes a matter of course," nakasaad sa 23-pahinang ruling.
-Czarina Nicole O. Ong