Napatay ng anti-narcotics agents ang isang police colonel sa buy-bust operation sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte nitong Lunes, ang pinakamataas na police official na napatay simula nang paigtingin ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa mga pulis na sangkot sa droga.
Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat, commander ng anti-scalawag unit Counter-Intelligence Task Force (CITF) ng PNP, ang suspek na si Supt. Santiago Ylanan Rapiz ay may "colorful" na buhay sa pagkakaugnay niya sa ilang matitinik na drug personalities sa Western Visayas.
Si Rapiz, na may ranggo na katumbas ng lieutenant colonel sa militar, ay nagsilbing hepe ng mga pulis at humawak ng iba’t ibang posisyon sa police force sa Negros Occidental.
Siya ay bumulagta matapos umanong makasagupa ang police poseur-buyer sa drug-bust sa Dipolog City nitong Lunes, dakong 8:00 ng gabi. Nakuha sa kanya ang ilang pakete ng umano’y shabu at isang .45 caliber pistol.
"His involvement in illegal drug activities was confirmed in the affidavit of Ricky Sereno, an illegal drug personality who was arrested by PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) agents in Negros Occidental in January last year," ani Caramat.
-AARON RECUENCO