CAMP GEN. PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Kinasuhan kahapon ang isang pulis-Maynila matapos na magpaputok ng baril sa loob ng isang subdibisyon sa Barangay Real I, Bacoor City.
Inireklamo ng homeowner’s association executive si SPO2 Leo M. Mendoza dahil sa pagpapaputok umano ng isang Armalite rifle malapit sa kanyang bahay sa Mikas Street, Villanueva Subdivision, nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay SPO1 Michael Villanueva Legaspi Jr, imbestigador sa kaso, si Mendoza ay nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Jose Abad Santos Police Community Precinct (PCP).
Sa kanyang ulat, naalarma at natakot ang mga kapitbahay ni Mendoza nang magpaputok ito ng baril nang lasing. Tatlong basyo ng bala at isang misfired bullet ng 5.56 cal. rifle ang narekober sa pinangyarihan.
Patuloy namang nagtatago si Mendoza, na nakaalis sa kanyang bahay bago dumating ang Bacoor police Special Weapons and Tactics (SWAT) team at mga pulis ng Mayumot-PCP.
Kinasuhan si Mendoza ng illegal discharge of firearm at alarm and scandal, ayon kay Bacoor police chief, Superintendent Vicente S. Cabatingan.
-Anthony Giron