NANAWAGAN si Japan Prime Minister Shinzo Abe sa parliamento ng Japan para sa pagpapatibay ng batas na suportado ng mga namumunong negosyante ng bansa, na layuning kumuha ng mas maraming dayuhang manggagawa sa maraming sektor dulot ng tumitinding kakulangan sa lakas-paggawa.
Sa ngayon, pinakamatindi ang pangangailangan ng manggagawa sa Japan sa mga sektor ng agrikultura, konstruksiyon, hospitalidad/turismo, at nursing. Humihiling ang mga negosyo sa mga larangang ito ng mas maluwag na immigration rules, upang makatanggap ng mas maraming dayuhang manggagawa. Sinasabing may 165 bakanteng posisyon para sa bawat 100 naghahanap ng trabaho.
Maaaring nagkataon lamang, ngunit saktong sa karamihan ng mga larangang ito nagsanay ang maraming Pilipino ngayon. Saan man sa mundo, partikular sa Estados Unidos, sa Gitnang Silangan, at sa Asya, makakatagpo ka ng isang Pilipinong enhinyero at mga manggagawa sa construction sites, mga nurse kasama ng mga doktor, medtech at rehabilitation workers sa mga ospital, gayundin ang mga trained staff kasama ng mga empleyado sa mga hotel.
Ito ang mga karaniwang sektor kung saan nagtatrabaho ang mga Pilipino ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig, kasama pa ang mga information technology, shipping at caregiving. Sa unang pitong buwan ng taong ito, iniulat kamakailan ng Banko Sentral ng Pilipinas na nasa $16.6 billion ang ipinadala ng mga overseas Filipino workers sa kanilang mga pamilya dito sa bansa, sa pamamagitan ng mga banking system at $18.5 billion gamit ang personal remittances.
Sa kasalukuyang diskusyon sa Japan hinggil sa mungkahing pagaanin ang mga pamantayan ng imigrasyon ng bansa upang makakuha ng mas maraming dayuhang manggagawa na kailangan sa agrikultural, konstruksiyon, hospitalidad at sektor ng pag-aalaga, lumutang ang ilang mga pangamba para sa posibilidad ng banggaan ng kultura—paano makikibagay ang mga bagong dayuhang manggagawa sa lipunan ng mga Hapon na malaki ang pagpapahalaga sa panlipunang pakikibagay at kaayusan.
Walang magiging problema ang Japan sa mga Pilipinong manggagawa sa ganitong isyu. Magkatulad tayo ng mga pangunahing lipunang pagpapahalaga. Kinikilala ang mga Pilipinong manggagawa ng kanilang pinaglilingkurang bansa sa kanilang kakayahan na makibagay sa mga komunidad na tinutuluyan nila.
Kapag tumaas ang pangangailangan natin sa mga manggagawa sa konstruksiyon para sa ating “Build, Build, Build” infrastructure program, marami sa mga sinanay na manggagawa ang kakailanganin dito sa bansa. Umaasa rin tayong mapanatili ang karamihan ng ating mga manggagawa sa agrikultura lalo’t ang kanilang kakayahan ay matinding kailangan para sa sarili nating agrikultural na pagpapaunlad. Ngunit marami ang mas pipiliin na magtrabaho sa banyagang bansa na mas malaki ang kita.
Isa ang Japan sa mga bansang naging malapit na kaibigan at kaalyado ng ating bansa nitong mga nakalipas na taon, isa sa pinakamalaki nating katuwang sa kalakalan, at tulad natin, mahigpit din ang ugnayan nito sa US. Kapag napagtibay na nito ang batas na tutugon sa malaking kakulangan sa lakas-paggawa, hindi na nito kakailanganing tumingin pa sa malayo para sa mga kailangan nitong sanay at may kakayahang dayuhang manggagawa.