TULAD ng dating kinagawian, nagbibiro lang daw si Presidente Rodrigo Roa Duterte nang kutyain niya ang mga santo at santa ng Simbahang Katoliko at tawagin silang mga “gago at lasenggo.” Kinuwestiyon din ng mapagbirong Pangulo na kilala sa pagkakaroon ng “foul language” at “off-the-cuff remarks” o sa simpleng salita ay palamurang lider, ang ginagawang paggunita ng mga Pilipino sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ginawa ni Mano Digong ang pagtawag ng “fools” at “drunkards” sa mga santong modelo ng pananampalataya ng mga Katoliko sa command conference sa Cauayan, Isabela, na ipinatawag niya upang tingnan at suriin ang pinsalang likha ng bagyong Rosita. Doon, pinagalitan din niya si Agriculture Sec. Manny Pi ol.
Iminungkahi niya sa mga tao na ilagay ang kanyang litrato sa altar at igalang siya bilang “Santo Rodrigo.” Sa report ng BALITA noong Lunes na may titulong “‘Santo Rodrigo’, puwede naman---obispo”, sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na maaari raw magkatotoong maging santo si PRRD kung “magbabago siya at magkakaroon ng respeto sa kasagraduhan ng buhay.”
Libu-libo nang pushers at users ang napatay ng mga pulis at vigilantes sapul nang maupong Pangulo si PDU30 noong Hulyo 2016. Inaakusahan siya ng Extrajudicial Killings (EJKs) dahil sa walang patumanggang pagbaril at pagpatay sa pinaghihinalaang mga tulak at adik nang walang due process.
Ayon kay Bacani: “Tama naman ang Pangulo na ang dating mga lasenggo, mamamatay tao at magnanakaw ay maaaring maging santo.” Binanggit niya si San Pablo (St. Paul) na noon ay si Saul pa na inusig si Hesus at Kanyang mga tagasunod.
Maging si San Agustin na kinikilalang paham ng Simbahang Katoliko ay dating makasalanan, babaero, at lasenggo. ‘Di ba mismong ang ating Pangulo ay umaming noong kabataan niya ay heavy smoker siya, manginginom at mahilig sa chicks (babae)? Sa kabila nito, ibinoto siya ng 16.6 milyong Pinoy.
Sinabi ni Bacani na para maging isang santo si Pres. Rody tulad ng mga banal, dapat na maging tunay ang pagsisisi niya sa nagawang kasalanan at tanggapin sa kanilang buhay si Kristo, gaya ng nangyari kay San Pablo.
Nilinaw ni presidential spokesman Salvador Panelo na nagbibiro lang ang Pangulo dahil sa bigat ng situwasyon na nangyari sa Isabela, Benguet at iba pang lugar sa pananalasa ni Rosita. “A joke is a joke and the same does not need an explanation.” Naniniwala si Panelo na hindi matitinag ang kredibilidad ng Simbahan sa mga pagbibiro sapagkat sa nakalipas na 2,000 taon, nakatayo pa rin ito at hindi ginapi ng mga digmaan, intriga, insulto at persecution.
Para naman kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, kailangan nating ipagdasal ang Pangulo na inilarawan niyang “a very sick man.”
-Bert de Guzman