HABANG unti-unting nalalagas ang mga tangkay ng dahon ng buhay, umuusbong naman ang ating pagiging “sentimental” lalo pa’t ang napag-uusapan ay ang mga petsang may kaugnayan sa naging takbo ng buhay ng mga magsing-irog na hindi dapat na isantabi at kalimutan.
Llevo 60 na ako, kaya mahirap ikailang isa na rin ako sa mga kung tawagin ay “hopeless romantic” -- hindi ko naman ikinahihiya, bagkus ay taas-noo pang pinangangatawanan ko – na may ligayang nararamdaman tuwing nagbabalik-tanaw sa masasaya at romantikong nakaraan.
Gaya bukas, ika-8 ng Nobyembre, ang natatanging araw na kapag pumapasok sa aking alaala ay di ko mapigilan ang mapangiti – ito kasi ang pang-47 taon mula nang maging “kami” ng dati kong girlfriend na si Imelda “Aymi” Villan, na noon ay kaklase ko sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
Nagtapos kaming pareho ng kolehiyo sa PLM – si Aymi, bilang isang Mass Communication (BMC) student, samantalang ako naman, ay isang Electrical Engineering (BSEE) student.
Bago pa rito, apat na taon din kaming magkasama sa Torres High School (THS) sa may Juan Luna street, Tondo, Manila. Dingding lang ang pagitan ng aming silid-aralan, pero ni minsan ay hindi nagkrus ang aming mga landas, gayung may mga common friends kaming palaging nakakasama, sa pagmi-miryenda, pag-istambay na may kahalong kantahan, kuwentuhan at pagbabasa sa library.
Hindi kami pinagtagpo ng tadhana sa high school pero naging seatmates naman kami sa unang taon namin sa PLM, sa Block 11. Dahil parehong nagsisimula sa titik “V” ang aming apelyido, sa dulong likuran kami napuwesto kaya wala kaming inatupag kundi ang magkuwentuhan kahit na may klase, dahilan para tuksuhin kami ng mga guro at mga kaklase.
Ang todong naglapit sa aming dalawa – ay ang Choc*nut, mga kakanin gaya ng pasingaw, biko, puto at sapin-sapin na kutsinta, musika at higit sa lahat -- verses of poetry. May ginawa siyang tula para sa akin na ginantihan ko naman ng isang “sketch” ng kanyang mukha, na magpahanggang sa ngayon, ‘di ko lubos maisip kung paano ko nabuo dahil wala akong kaalam-alam sa pagdo-drawing!
Isang buong semestre kaming naging sobrang matamis sa isa’t isa pero hindi pa naman kami noon mag-on – at mas pinaglapit pa nga kami ng ugali naming magpapakita ng interest sa mga bagay na aming nagugustuhan kahit magka-kontra pa ang mga ito.
Ang lahat ng magagandang eksena sa aming pagiging mag-BFF ay kusang dumating nang hindi inapura sa takda nitong panahon – mala ALDUB baga.
Nobyembre 8, 1971 – araw ng eleksyon, isa ako sa mga estudyanteng nag-boluntaryong maging watcher ng Comelec sa mga polling precinct sa Manila District 1 (Tondo District) na may allowance na P50 para sa buong araw na pagbabantay.
Nang pasukin ko ang presintong itinalaga sa akin sa Juan Nolasco High School sa Pritil, Tondo, Manila -- nagulat ako nang makita ang aking magiging partner sa buong maghapong pagbabantay.
Hindi ko maipaliwanang kung ano ang pakiramdam ko ng mga oras na iyon at ramdam ko na ganu’n din si Aymi – ang partner ko sa presintong iyon…kilig daw ang tawag ng mga millennial sa kapwa namin naramdaman noon ni Aymi.
Matapos ang maghapong pagbabantay, habang nakasakay ako sa dyip na biyaheng Tecson – Solis pauwi ng bahay, may ngiti sa labing panay ang himas ko sa singsing ni Aymi na suot ko na sa aking kanang hinliliit na daliri.
Ang binantayan naming pagta-tally ng boto ng Comelec ay nauwi sa pagtatali naman ng aming mga puso na nangbunga ng apat na mababait na anak at anim na poging apo.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.