Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pag-inom ng ilang men’s food supplement na nadiskubreng nagtataglay ng prescription drugs para sa erectile dysfunction.
Ayon sa ulat, isang sample mula sa Bravo male supplement, na may lot number NU1Y617 at expiration date na Marso 26, 2019 ang nagpositibo sa Tadalafil, isang gamot para sa erectile dysfunction.
Gayundin, ang MS male tablet herbal dietary supplement, na may manufacturing date na Pebrero 20, 2017 at expiration date na Pebrero 19, 2021 ay nagpositibo naman sa Nortadalafil, isang analogue compound ng Tadalafil.
Ang Tadalafil at Nortadalafil sa mga nabanggit na male supplements ay malinaw na paglabag sa FDA Act of 2009 at Food Safety Act of 2013.
Ayon sa FDA, may panganib na idudulot ang mga naturang gamot na ginagamit sa food at dietary supplements.
Kabilang sa mga epekto ng Tadalafil ang pananakit ulo, indigestion, runny nose, flushing, pagkabingi, hirap sa paghinga, may pagtunog sa tainga, pananakit ng likod, pamamanhid, panginginig ng kamay, leeg, dibdib o panga, pananakit ng kalamnan, pagkahilo, at panlalabo ng paningin.
Binigyang-diin din ng FDA na mas malaki ang tyansang maapektuhan nito ang mga dati nang na-stroke, ang mayroong low blood pressure at high blood pressures.
Iginiit din ng Philippine Urological Association na ang pag-inom ng Tadalafil at iba pang kaparehong droga ay dapat na batay lang sa reseta ng doktor.
Mariin namang itinanggi ng Kauffman Pharma, manufacturer ng Bravo, na gumagamit ito ng Tadalafil.
Para sa mga nakabili ng dalawang food supplement na may partikular na manufacturing date/lot number, makipag-ugnayan sa FDA sa 857-1900 (local 8105), o mag-email sa [email protected].
-Beth Camia