MINSAN pang naging inspirasyon ng mga batang triathletes si John Leerams Chicano, ng Go for Gold Philippines, matapos siyang magwagi sa Tri-Factor International Triathlon sa Quzhou, China, kamakailan.

Silver medalist sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, nanguna si Chicano sa men’s standard distance nang kumpletuhin sa loob ng dalawang oras, siyam na minuto, at 17 segundo ang event, na sinalihan ng mahigit 400 iba pa.

Ilan pang top-tier international athletes ang sumali sa 1.5-kilometer swim, 40-km bike, at 10-km run event, kabilang ang New Zealand world champion na si Cameron Brown, ang Japanese Olympian na si Hiroyuki Nishiuchi, at ang top triathlete ng China na si Fang Zhou.

“To win an international race with some of the best triathletes in the world is something that our country should really be proud of,” sabi ni Jeremy Go, ang itinuturing na godfather ng Go for Gold.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Chicano has become an inspiration to all our young triathletes who are motivated to follow his footsteps as we aim to produce the first Filipino Olympian in the sport,” dagdag ni Go.

May suporta ng Go for Gold, sinisikap ni Chicano na maipakilala ang triathlon sa mga lalawigan sa paghahanap ng mga susunod na Pinoy triathletes, katuwang si Melvin Fausto, national team head coach.

Kaugnay ng nasabing programa ng Go for Gold, nakabuo na ng youth development squad sa Cebu, na nagpapakitang-gilas na rin sa mga sinasabing local races.

Labindalawang beses nang nagwagi sa Ironman, pinangunahan ni Brown ang Tri-Facto Endro category sa 3:36:40, habang nakapagtala si Li Jianqiang ng China ng 1:16:16 upang masungkit ang panalo sa sprint distance.

Si Chen Cheng ang nangungunang babae sa TF Endro distance sa 4:41:25, napanalunan ni Heather De Freitas ang women’s standard distance sa 2:35:14, habang nanguna naman si Li Fang sa women’s sprint distance sa 1:34:17.