“KAYA, happy All Saints’ Day. Sino itong… sino itong mga Katoliko… Bakit may All Saints’ Day at Souls’ Day? Hindi namin alam kung sino ang mga santong ito, sila ay luku-luko, sila ay lasenggo. Maiwan kayo rito, bibigyan ko kayo ng inyong santo. Ang inyong santo na hindi na kailangan pumunta pa kayo kung saan-saan. Kuhanan ninyo ako ng larawan, ilagay sa inyong altar, Santo Rodrigo.”
Ipinahayag ito ng Pangulo sa pulong ng mga opisyal at ilang miyembro ng kanyang Gabinete, hinggil sa naging bunga ng bagyong ‘Rosita’ sa Isabela.
Nagtawanan ang mga kaharap niya. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nangangahulugan na hindi nasaktan ang mga ito, na para sa mga bishop at ilang kritiko ay mapinsalang religious statement laban sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Hindi dapat, aniya, ito ituring na panlalait sa relihiyon. “Ang biro ay biro at hindi na kinakailangan pa ito ng paliwanag,” sabi ni Panelo.
Ngunit sa pahayag niya sa media ay may kahabaan ang paliwanag ni Panelo, sa layuning mangumbinse na ang mga binitiwang salita ng Pangulo ay biro lang. Aniya, sinabi ito ng Pangulo upang mapagaan ang sitwasyon sa Isabela makaraang hagupitin ng bagyong Rosita.
“Pagkatapos ng pulong sa Isabela,” ayon kay Panelo, “bumalik ang Pangulo sa Davao City para dalawin ang puntod ng kanyang mga magulang sa sementeryo ng Roman Catholic doon.” Kaya, aniya, maging ang Pangulo ay kinikilala ang tungkulin ng mga Pilipino sa kanilang mga patay na ninuno.
“Bigyan ng bigat ang aksiyon kaysa salita kapag alam mo ang katangian ng isang tao. Action speaks louder than words,” paliwanag pa niya.
Ipagpalagay na nating biro ang sinabi ng Pangulo, napakahirap naman sabihin na wala siyang intensiyong manakit o mangutya. Kasi, sa dami ng relihiyon sa ating bansa, ang tanging tampalan ng kanyang biro ay ang Katoliko, ang mga miyembro at ang paniniwala nito.
Kinutya niya ang Diyos at tinawag na “stupid”. Dahil sa paniniwala ng mga Katoliko tungkol kina Adan at Eva, na pinalayas sa Paraiso ng Diyos dahil lumikha ito ng tao na sumuway sa kanya, nanawagan siya na gibain ang Simbahang Katoliko.
Ang mga pari, ayon sa kanya, ay mga babaero at pedophile. Mayroon ngang pari na pinaslang, siya mismo ang nagsabi na kaya umano ito sinapit ng pari ay dahil pinakikialaman umano nito ang asawa ng mga pulitiko.
Hindi maganda para sa isang Pangulo ang paglaruan at gawing katawa-tawa ang paniniwala at pananampalataya ng isang relihiyon. Maraming relihiyon sa Pilipinas at ang ginagawa ng Pangulo sa Simbahang Katoliko ay ihinihiwalay niya ito sa iba sa masamang paraan. Para na rin siyang nanghihikayat sa mga kasapi na hiwalayan ang kanilang relihiyon dahil minamaliit niya ang kahalagahan ng kanilang pinaniniwalaan at sinasampalatayaan.
Nasabi ni Panelo na action speaks louder than words, dahil nais niyang ipalabas na kung ano ang hindi magandang nasabi ng Pangulo sa paggunita sa Undas ay hindi naman nito pinaniniwalaan. Nagtungo rin umano ang Pangulo sa puntod ng mga magulang nitong Undas.
Paano ngayon, kung tratuhin ng taumbayan ang kanyang mga policy statements bilang mga biro?
-Ric Valmonte