WALANG sinisino ang Pangulo basta ‘pag may nakita siyang sa palagay niya ay mali. Kahit kaibigan at supporter niya noong 2016 presidential elections, kinagagalitan niya at hindi sinanto ni Santo Rodrigo, este ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ang isang kaibigang miyembro ng Gabinete.
Ito ay nangyari kay Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol nang hindi makita ni Mano Digong si “Little But Terrible” Manny sa command conference para suriin at alamin ang epekto ng bagyong ‘Rosita’. Ginanap ang komperensiya sa Cauayan, Isabela.
Wala si Piñol sa command conference na biglaang ipinatawag ni PRRD nang siya’y bumisita sa mga lugar na sinagasaan ng Rosita. Naroroon sina DPWH Sec. Mark Villar, Health Sec. Francisco Duque III, Labor Sec. Silvestre Bello III, DILG Sec. Eduardo Año at DSWD Sec. Rolando Bautista.
Naniniwala ang Presidente na dapat ay naroroon din si Piñol sa conference sapagkat malaki ang pinsalang dulot ng bagyo sa agrikultura at palaisdaan, na teritoryo ng departamento nito. Ayon kay PRRD, si Piñol ay hindi rin niya nakita noong bisitahin niya ang Isabela nang maminsala si ‘Ompong’ noong Setyembre.
Pinasaringan pa ng Pangulo si Piñol sa harap ng kanyang mga Cabinet secretary at pinuno ng Isabela dahil umano sa pagyayabang nito na marami itong pera. Badya ni PDu30: “Tawagan ng pansin si Manny. So sige man siya yabang na marami siya pera. Now is the time for him to spend all of it.”
Dahil sa pagiging “no-show” ni Little But Terrible Piñol sa command conference, sinabihan niya ang ibang agriculture officials na ipaalam kay Piñol ang kanyang mensahe. “Sino ang tagaano rito, taga-Agriculture? You might want to make a report. I’ll ask Manny to come in kasi pati ‘yung fish cages kanya ‘yun, eh. It’s part of the agricultural thrust, kanya ‘yun, pati isda,” maanghang na pahayag ni PRRD.
Si Piñol ay dating North Cotabato governor. Dati rin siyang journalist—isang sports writer at commentator—kaibigan ng sports writer-columnist na si Recah Trinidad na naging kaklase ko sa UST Faculty of Philosophy and Letters.
oOo
Noong araw, sumulat si Dan Brown ng nobelang “The Gates of Hell” at dito ay nabanggit at inilarawan niya ang lungsod ng Maynila bilang pugad ng krimen, karumihan, at iba pang negatibong bagay.
Ngayon, ang Maynila ay kasama sa listahan ng “World’s Least Sustainable Cities”.
Batay sa Amsterdam-based design and consultancy firm, pang-95 sa 100 siyudad sa mundo ang Maynila sa “Least Sustainable Cities.” Gising, gising, Mayor Estrada! Nasa likuran mo si Isko Moreno na tatakbong alkalde sa lungsod sa 2019, matapos mong hindi tuparin ang pangako mo na isang termino ka lang.
-Bert de Guzman