Nakatakda nang buksan ng Philippine Red Cross (PRC) sa publiko ang kanilang makabagong dialysis center sa Port Area, Maynila ngayong Martes.
Mismong sina PRC Chairman at CEO, Senator Richard Gordon, Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III, Manila Mayor Joseph Estrada, Dr. Takao Suzuki, chairperson ng Tokushukai Group, at iba pang bisita mula sa business sector, ang inaasahang mangunguna sa paglulunsad ng dialysis center ng PRC, dakong 3:00 ng hapon.
Ang nabanggit na dialysis center, na matatagpuan sa lumang gusali ng PRC sa Port Area, ay ginastusan ng P20 milyon sa rehabilitasyon nito.
Ipinagmalaki naman ni Gordon na state of the art ang mga gagamitin nilang dialysis machines, na binili pa sa Japan.
Nilinaw naman ng senador na may bayad ang pagpapa-dialysis, dahil hindi kayang suportahan ng PRC ang naturang magastos na gamutan.
-Mary Ann Santiago