KASUNOD ang isang maikli ngunit makahulugang programa. Ang naging mga panauhing tagapagsalita ay ang mga kaibigan at kakilala ni Carlos Botong Francisco, katulad nina Carlos Tan Chuy Chua, alyas Kim Joe; dating Angono Vice Mayor Nemesio Miranda, Sr.; Professor Ligaya Tiamson Rubin, ng University of the Philippines; dating Angono Mayor Aurora Villamayor; at ang kapatid na babae ni Botong Francisco na si Ms. Teresita Villaluz, isang retired teacher ng Angono; at Angono Mayor Gerry Calderon.
Sa bahagi ng mensahe ni dating Angono Vice Mayor Aurora Villamayor, dalawang bagay ang binanggit niya tungkol kay Carlos Botong Francisco. Una ay ang pagmamahal at pagpapahalaga sa kapaligiran. Para sa isang alagad ng sining, ang kapaligiran ay ang kanyang inspirasyon. Sa kanyang likhang-sining, binuhay niya ang magandang kapaligiran ng ating bayan upang maging pruweba at paalala sa susunod na henerasyon. Pangalawa, sa mga tradisyon at kultura, ipinakita niya ang sama-sama at aktibong pagtutulungan at pagkilos ng mga taga-Angono, upang ang mga pagdiriwang na ito ay mairaos at magpatuloy hanggang sa ngayon. Sa BAYANIHAN, isa sa kanyang tanyag na painting, ipinakikita ang paglilipat ng bahay na buhat-buhat ng taumbayan. Pinaalalahanan niya tayo na hindi dapat kalimutan ang tradisyong ito, lalo na sa panahon na tayo ay sinalanta ng kalamidad.
Katulad ng BAYANIHAN ni Botong Francisco, hinahamon tayo na muling bumangon, sama-samang kumilos upang umahon sa pagkakalugmok. Muling harapin ang kinabukasan nang matatag, optimistiko at may paninindigang magtagumpay sa patnubay ng Poong Maykapal.
Sa isang bahagi ng mensahe ni Angono Mayor Gerry Calderon sa pagdiriwang ng kaarawan ng National Artist noong Nobyembre 4, 2010, sinabi niya na ang mga katangian ni Botong Francisco, bilang taga-Angono at Pambansang Alagad ng Sining, na makabayan at may malasakit sa kalikasan na naging inspirasyon ng National Artist sa kanyang mga likhang-sining.
Bukod sa pagpapahalaga sa National Artist, ang isang mahabang lansangan sa Bgy. San Isidro ay ipinangalan din sa National Artist. Tinawag na Botong Francisco Avenue. Ipinangalan din sa National Artist ang itinayong paaralan sa Bgy. Mahabang Parang. Tinawag naman na Botong.
Sa pangunguna naman ni dating Rizal board member Arling Villamayor, ang mga mural painting at art work ng National Artist ay ipininta ng mga kabataang pintor sa Angono, sa mga bakod na pader ng Bgy. Poblacion Itaas. Ngunit ang mga painting ay nasira at nabura nang sumapit ang tag-ulan.
Sa nasabing pangyayari, ipinasiya ni Bokal Arling Villamayor na ang nasirang mga painting ay gawing relief sculpture. Ginawa ang mga relief sculpture ng pintor-iskultor na si Charlie Anorico. Nagawa ito sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Rizal Gov. Jun Ynares III.
Mula sa Sitio Balite sa bukana ng Bgy. Poblacion Itaas, naroon at makikita ang busto (rebulto) ng dalawang National Artists na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro. Sa ibaba ng busto, nakasulat sa itim na martmol ang pagkilala ng Pamahalaan sa dalawang dakilang anak ng Angono.
Ang mga relief sculpture ng mga likhang-sining ni Botong Francisco sa mga bakod na pader ng mga bahay hanggang sa bakod na pader ng simbahan ng Angono. Sa pinakadulo ng Bgy. Poblacion Itaas, sa bakod na pader ng bahay ni Ms. Irene Floriza, ay nakaukit naman ang mga nota at titik ng awiting “Sa Ugoy ng Duyan,” na kinatha ng mga National Artist na sina Maestro Lucio D. San Pedro at Levi Celerio.
Sa ngayon, ang mga relief sculpture ng mga likhang-sining ni Botong Francisco ay pinupuntahan at dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista. Gayundin, ng mga estudyante sa iba’t ibang kolehiyo at pamantasan sa Metro Manila at iba pang lalawigan. Pinupuntahan din ang bahay at art gallery. Pinagmamasdan at pinag-aaralan ang ilan sa mga likhang-sining ni Botong Francisco at ang iba pang memorabilia.
Hindi maitatanggi, sa matapat na pag-ibig ni Botong Francisco sa sining at sariling bayan ay matagumpay niyang naitampok at nabigyang-buhay sa kanyang mga likhang-sining ang ating mga kaugalian, tradisyon, buhay, kultura, kasaysayan, at mga pangarap at kabiguan.
Sa paglipas ng panahon, ang mga nagawa, alaala at kadakilaan ni Botong Francisco sa sining ng Pilipinas ay isang matibay na bantayog na hindi magigiba. Isang inspirasyon sa mga alagad ng sining sa Angono at iba pang bayan at lalawigan ng ating bansa. Magpapatuloy ang pagpapahalaga sa National Artist hanggang ang Angono ay mananatiling isang bayan na kinikilala na ngayon na “Art Capital ng Pilipinas” at First ASEAN Culture Capital.
-Clemen Bautista