Bago pa man magbukas ang mga gate ng University of Santo Tomas (UST) para sa 2018 Bar Examinations kahapon, dinagsa na ito ng mga pamilya at mga kaibigan ng mga gustong maging abogado upang magpakita ng suporta sa mga ito.

Bitbit din ng mga kasamahan ng examinees ang larawan ng Sto. Niño, matitingkad na placard, banners na nasusulatan ng kanilang inspirational message para sa mga future lawyers, at karamihan ay napaiyak dahil sa matinding suportang ipinakita sa kanila.

Isa sa mga takers si John Daniel, ng University of Pangasinan, na nawalan ng ama kamakailan at nagluluksa rin sa pagkamatay ng kanyang tiyuhin.

Naluluha si John Daniel habang papasok siya sa examination venue.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

“Dad, tito, para po sa inyo ‘to!” umiiyak na sabi niya habang mahigpit na yakap ang kanyang ina.

Iba naman ang ipinakita ng 62- anyos na si Antonia Carbrigas-De Jesus, na panay lang ang ngiti nang ihatid siya ng tatlong anak sa UST.

Isa rin kasi siya sa kukuha ng Bar Exam, sa ikatlong pagkakataon.

Kabilang din sa mga nagbigay ng suporta sa bar examinees sa harapan ng UST ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Suportado ng BJMP ang mga tauhan nitong sumailalim sa anim na buwang pag-aaral upang paghandaan ang 2018 Bar Exams.

Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Chief Insp. Xavier Awican Solda, tinatayang aabot sa 60 tauhan ng kawanihan, kabilang ang apat na opisyal, ang kukuha ng Bar Exams ngayong taon.

“Importante na masuportahan sila kasi alam n’yo naman ang pangangailangan ng BJMP pagdating sa mga lawyer. Kailangan na kailangan namin ng mga abogado,” ani Solda.

Bumisita naman sa examinations area si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen, at kinumbinsi nito ang mga bar takers na galingan ang pagsusulit.

“‘Wag mag-panic, take the exam one at time,” payo ni Leonen sa kanila.

-Erma R. Edera