NALUNGKOT kami nang mag-mall hopping nitong Miyerkules para malaman kung anu-anong pelikula ang kumita last week, dahil sabi nila ay maganda raw ang playdate na Oktubre 31, dahil hindi naman lahat ng tao sa Metro Manila ay umuuwi sa mga probinsiya para mag-Undas. Natatandaan din namin na halos lahat ng pelikulang nagbubukas bago mag-Undas ay malakas sa takilya.
Pero nitong Miyerkules, konti lang ng mga tao sa mall kaya acceptable na lahat ng pelikulang nagbukas nang araw na iyon, tulad ng dalawang local films na To Love Some Buddy nina Maja Salvador at Zanjoe Marudo at All Souls Night ni Andi Eigenmann, ay nagtabla lang sa dami ng nanonood.
Mga foreign movies ang nakita naming medyo maraming nanonood.
Pero sinabi ng nakausap naming checker na mahina sa Metro Manila ang All Souls Night ni Andi.
“Sa mga probinsiya malakas (ang All Souls Night). Daig niya ang pelikula nina Maja at Zanjoe,” sabi sa amin
Hirit namin, posibleng lumakas pa ang dalawang pelikula ngayong weekend, kasi nga abala ang mga tao sa Undas simula nitong Miyerkules.
“Sana nga lumakas ang To Love Some Buddy, maganda ‘yong movie,” hirit naman ng isang taga-Star Cinema.
Sa totoo lang, napanood namin ang movie nina Maja at Zanjoe, pero sa hindi malamang dahilan ay hindi kami natawa sa mga jokes nila. Eh ang babaw lang naman namin. O baka wala sa timing ang bitaw nila, tulad ng pagbitaw ng jokes nina Angelica Panganiban at Carlo Aquino sa Exes Baggage?
Sa totoo lang, bentang-benta sa iba ang “mutant power” ni Zanjoe, pero “ewww” ‘yon para sa amin.
Tapos maraming nagsabi na mas maganda ang To Love Some Buddy kaysa sa Exes Baggage?
Pareho naming gusto sina Maja at Zanjoe, dahil pareho silang magaling, pero nakulangan kami sa kilig.
Parang magandang gawan ng pelikula sina Zanjoe at Angelica, na baka posibleng kasing click ng tambalan nila sa morning serye ng Dos na Play House. Natatawa talaga kami sa kanilang dalawa bilang guardians ni Robin (JJ Quilantang).
“Hindi ba puwedeng wala munang kilig? Istorya muna,” sabi ng network executive na nakausap namin. “Kasi unique ‘yung kuwento nina Faith (Maja) at Julius (Zanjoe) as best friends who fell in love, not because they’re attracted to each other, kundi dahil sa qualities nila bilang best friends?”
“Maganda naman talaga ang ideya,” hirit namin. “Kaso ang gusto ng manonood ay kikiligin sila, hahagalpak sila sa tawa o papaiyakin sila, kasi nakaka-relate sila. Hindi ‘yung nanonood lang sila habang kumakain ng popcorn at umiinom ng juice, at pagkatapos ay uuwi na.”
Ganun naman talaga, ‘di ba, Ateng Jet? Either matatawa ka, iiyak ka, maaawa ka, at mai-in love ka sa romantic movie. Hindi puwedeng in-between.
-Reggee Bonoan