PRANGKA talaga itong ating Pangulo, si Rodrigo Roa Duterte. Inamin niya na siya ang nagsusulong sa militarisasyon sa mga tanggapan ng gobyerno dahil naniniwala siyang ito ang mabisang paraan upang masugpo ang katiwalian at kabulukan sa iba’t ibang departamento at ahensiya ng pamahalaan.

Tumpak, ayon kay PRRD, ang puna ng kanyang mga kritiko na mini-militarize niya ang burukrasya. Inihayag niya ito sa okasyon ng pamamahagi ng mga lupa sa Cagayan de Oro noong Miyerkules. Katakut-takot na batikos ang inihahagis sa kanya dahil sa paghirang ng mga retiradong opisyal ng militar sa mga puwesto na wala namang kaugnayan sa pambansang seguridad.

Ayon sa opposition lawmakers, ang paghirang sa mga retiradong heneral sa mga sensitibong departamento at ahensiya ay baka magbunga ng incompetence o kawalang-kakayahan ng nasabing mga pinuno sapagkat hindi naman umano sila bagay o angkop sa mga posisyong pinaglagyan sa kanila.

Kamakailan, hinirang ni Mano Digong si ex-Bureau of Customs (BoC) Commissioner Isidro Lapeña sa TESDA matapos alisin (o sipain?) sa BoC bunsod ng kontrobersiya sa pagkakapuslit ng P6.8 bilyong shabu na laman ng apat na magnetic lifters na natuklasan ng PDEA sa isang warehouse sa GMA, Cavite.

Wala nang laman ang mga lifter, pero inupuan pa rin ito ng K-9 dogs na eksperto sa pag-amoy sa illegal drugs. Itinanggi noong una ni Lapeña na may shabu sa lifters, pero nang tumestigo sa Kamara ang mga opisyal ng DPWH na nagbunyag na parang improvised lang ang magnetic lifters na sinadyang paglagyan ng mga shabu, nag-iba ng tono si Lapeña, at sinabing posible ngang droga ang laman ng mga ito.

Sinipa o sinibak si Lapeña ni PDu30 sa BoC at pinalitan siya ng isa pang retiradong heneral, si dating AFP chief of staff Gen. Rey Guerrero. Isinailalim ng Pangulo ang ahensiya sa military control upang masawata ang kurapsiyon sa itinuturing na isa sa “most corrupt agency.” Sana ay makatulong ang military control sa BoC upang matagpas ang mga sungay ng mga demonyong kawani at pinuno na nagpapalusot ng bilyun-bilyong shabu. Maliwanag ang katotohanan, kung walang drug supply, walang drug addict.

oOo

Tapos na ang All Saints’ Day at All Souls’ Day o ang Undas. Libu-libo ang nagtungo sa mga sementeryo upang ipagdasal at alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay. Sa puntong ito, muli na namang pinagana ni ex-Tondo 1 Rep. Atong Asilo ang pagkakaloob ng taunang libreng sakay sa mga taga-Tondo mula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.

Magugunitang sinimulan ni Asilo ang libreng sakay noong siya pa ang Barangay Chairman hanggang siya ay nahalal na konsehal at siyam na taon bilang kinatawan ng Tundo.

Ang libreng sakay ay sa Pritil, Mata/Herbosa, Quezon/Herbosa, Kagitingan/Tuason, Almario/Linampas, Moriones, Delpan, Smokey Mt./Rodriguez, at Sa Franco, Lakandula at Capulong.

May 80 sasakyan ang naghatid at sumundo sa may 20 libong tao sa Manila North Cemetery, courtesy ni Asilo, na kung tawagin ngayon ay Atong ng Tundo. Plano yatang tumakbong muli ni Ka Atong bilang kinatawan sa ilalim ng tiket ni Manila Mayor Erap Estrada.

-Bert de Guzman