Sa gitna ng pinaigting na crackdown laban sa kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC), binalaan ng Malacañang ang mga negosyante laban sa panunuhol kapalit ng mabilis na pagpoproseso ng kanilang mga kargamento.

Pinaalalahanan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang mga negosyante na sumunod sa rules at regulations ng Customs, kung ayaw ng mga ito na maharap sa asunto.

“Ang paalala lang natin, kung ano ‘yong batas sundin na lang natin. Huwag kayong magtangka na magsuhol dahil siguradong sa kulungan ang inyong dating,” sinabi ni Panelo sa isang panayam sa radyo.

Kamakailan, ipinatupad ni Pangulong Duterte ang malawakang balasahan sa BoC upang masugpo ang kurapsiyon at drug smuggling, kasabay ng pagtatalaga kay dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief retired Gen. Rey Leonardo Guerrero, bilang kapalit ni Isidro Lapeña, na namumuno na ngayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Matatandaang itinalaga ng Presidente ang mga taga-AFP upang pansamantalang pangasiwaan ang Customs matapos na ilagay sa floating status ang lahat ng tauhan ng kawanihan.

Ayon kay Panelo, iniutos ng Pangulo sa bagong BoC na tuldukan ang kurapsiyon sa kawanihan, at palakihin ang koleksiyon.

“Basta ‘yong kaniyang dating patakaran na walang palakasan. So, dapat sundin mo lahat ng patakaran sa batas,” aniya.

“Tapos ‘yong koleksiyon mo, ‘yong target mo, makuha mo, dahil ‘yon ang kanyang ine-expect kay BoC Commissioner Guerrero,” dagdag pa ni Panelo.

“Ang narinig kong sinabi ng Presidente kay BoC Commissioner, gawin niya ang lahat ng magagawa niya; and siya naman known for his strictness, ‘yong reputasyon niya, honest. So sabi niya, gawin mo ang lahat para mag-retire ka diyan nang walang bahid iyong record sa military,” sabi pa ni Panelo.

-Genalyn D. Kabiling