Sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Linggo na mahigit P130 milyon halaga ng mga pinsala ang naitala sa Northern Luzon resulta ng bagyong “Rosita”.

Ayon kay Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC Executive Director and Office of Civil Defense (OCD) Administrator, tinatayang P131, 427,646.53 halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ang naitala sa Region 2 at sa Cordillera Administrative Region (CAR) kasunod ng pananalasa ni Rosita.

Kabuuang 7,881 bahay rin ang napinsala (7,039 partially at 842 totally damaged) sa Regions I, 2, 3, 8 at CAR.

Idinagdag niya, ang bilang ng mga pamilyang apektado ng bagyong “Rosita” na nanalasa sa Northern Luzon noong Martes ay umabot na sa 65,068 pamilya o 253,298 katao sa 1,370 barangay sa Regions 1, 2, 3, 8 at CAR.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa bilang na ito, 135 pamilya o 466 indibidwal ang nananatili pa rin sa 15 evacuation centers.

Sinabi rin ni Jalad na kabuuang 20 insidente (landslide, pagbaha, at tumaob na bangka) ang iniulat sa Regions 2, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) at CAR.

Sa tala kahapon, kabuuang 11 katao na ang kumpirmadong nasawi sa CAR at CALABARZON. Dalawang ang nasugatan at isa ang nawawala pa rin.

Kabuuang 98 road sections at 10 tulad din ang apektado ng Rosita sa Regions 2, 3 at CAR. May 24 road sections sa Regions 2 at CAR at dalawang tulay sa Isabela at Kalinga ang hindi pa rin maraanan.

Sinabi rin ni Jalad na kabuuang 201 lugar ang nawalan ng kuruente sa Regions 1, 2, CAR at CALABARZON, at 81 lugar na ang muling napailawan.

-Francis T. Wakefield