ANG paglaganap ng “state of lawlessness” sa ahensiyang sinakop ng kurapsiyon, ang Bureau of Customs (BoC), ang nag-udyok kay Pangulong Duterte na hingin ang tulong ng militar upang sugpuin ang mga banta.

Ganito dinepensahan ni presidential spokesman Salvador Panelo ang konstitusyonalidad ng naging utos ng Pangulo sa pagpalit ng militar bilang tagapamahala ng Bureau, matapos ang mga ulat ng pagpupuslit ng malalaking bulto ng shabu sa pamamagitan ng magnetic lifter, na kalaunan ay natagpuang abandonado sa isang warehouse sa Cavite.

Maaaring may nagaganap nga na “state of lawlessness” sa BoC ngayon ngunit itinadhana ng Konstitusyon sa Seksyon 18, Artikulo VII na: “The President shall be Commander-in-Chief of all armed forces of the Philippines and whenever it becomes necessary, he may call out such armed forces to prevent lawless violence, invasion, or rebellion.”

Ang hinihingi ng Konstitusyon para sa pamamahala ng militar ay isang “lawless violence,” hindi isang “state of lawlessness.” Sa pasimbolong pagpapakahulugan, maaaring sabihin nagdudulot ng paglabag sa batas at kaayusan ang ‘lawlessness’, ngunit hindi bukas ang legal at probisyong konstitusyunal sa mga interpretasyong gumagamit ng tayutay. Ito ang dahilan kung bakit maraming senador ang kumukuwestiyon sa naging utos ng Pangulo, na dinepensahan ni spokesman Panelo.

Sinabi ni Senador Richard Gordon, pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee, na suportado niya ang hakbang ng Pangulo ngunit hinihikayat niya ang militar na linawin ang magiging gampanin ng militar sa ahensiya. Aniya, naiintindihan niya na naubusan na ng pasensya ang Pangulo hinggil sa nangyayaring kurapsyon sa BoC, kaya humantong na ito sa isang “drastic measures.”

Ipinaliwanag din niya na hindi naman maaaring sibakin ang mga empleyado ng bureau at palitan ng mga sundalo dahil lalabagin nito ang civil service rules. Dagdag pa na bagamat disiplinado ang mga sundalo, hindi sinanay ang mga ito para sa proseso ng customs, sa pagtataya ng halaga ng mga angkat na produkto at pagdedetermina kung magkano ang dapat na bayaran.

Lumalabas na may mas mahigpit na pinanghahawakan ng bagong customs chief, Rey Leonardo Guerrero, ang legal at konstitusyunal na isyung sangkot. Sinabi niya nitong Miyerkules, matapos nitong manumpa kay Pangulong Duterte, “Let us correct the impression that there would be a militarization of the BOC. There will be personnel from the AFP that will support the BOC but that does not mean the BOC would be taken over by the military because clearly I am a civilian and I am head of the agency.” Si Guerrero ay retirado ng Armed Forces of the Philippines kung saan siya minsang nagsilbing chief-of-staff.

Ibinahagi niya na ang nakatakda niyang pakikipagpulong kay Secretary of Finance Carlos Dominquez III, at sa iba pang mga kalihim ng ahensiya, upang pag-usapan ang mga detalye ng proseso ng transisyon sa customs. Binigyan, aniya, siya ng Pangulo ng patnubay at ngayo’y bubuo na siya ng mga plano upang maipatupad ang walang patumanggang kampanya laban sa kurapsiyon sa bureau.

Nagbibigay ng katiyakan ang mga salita ng bagong customs chief para sa lahat ng mga nangangamba na ang pagpalit ng militar bilang mga tagapahala sa ahensiya ay lalabag sa konstitusyon.