NAPAPANOOD namin ang sitcom na Home Sweety Home, at naiinip na kami kung anong mangyayari sa karakter nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga bilang JP at Julie, matapos magpahayag ang una na gusto niya ang huli, pero tumanggi ito.
Ang dahilan ni Julie, mas magandang maging magkaibigan na lang sila. Kaya naman hinayang na hinayang ang viewers dahil bagay naman sila. Bukod dito, sa kuwento ay pinsan ni JP si Romeo, na karakter ni John Lloyd Cruz, na kasalukuyang nasa ibang bansa.
May narinig kaming tsika na sa mga susunod na episodes ng Home Sweety Home ay pupuntahan ni Julie si Romeo sa pinagtatrabahuhan nitong bansa, at dito niya malalaman na may iba nang pamilya ang kanyang asawa kaya pala hindi na ito bumalik sa ‘Pinas.
At dito na tutuldukan ni Julie ang pagiging mag-asawa nila ni Romeo. Maghahain siya ng annulment para siguro mabigyan na niya ng pag-asa si JP.
Hmm, saktong-sakto ang kuwento ni Romeo sa totoong nangyari kay Lloydie, na umalis nang walang paalam sa Home Sweety Home dahil may iba na siyang mahal. Sa tunay na buhay, iniwan ni Lloydie ang sitcom at ang showbiz mismo, dahil naging priority niya ang girlfriend na si Ellen Adarna, at may anak na nga sila ngayon.
Mahigit isang taon nang walang komunikasyon si Lloydie sa showbiz, at kahit isang kapwa artista o sinuman sa network ay wala siyang kinakausap. Sa kabila nito lagi naman siyang nakikita sa public places, at nitong huli nga ay kasama pa niya si Ellen sa supermarket habang naggo-grocery sila, at nakapambahay nga lang ang aktor.
“Naka-boxer shorts lang, siguro malapit lang bahay nila dito (supermarket),” sabi pa ng nakakita, na pasimpleng kumuha ng litrato ng dalawa.
Hindi naman binanggit sa amin kung saan located ang supermarket, pero kung ibabase namin kung saan nakatira ang aktor ay posibleng sa Mercado sa UP Town Center o sa Robinson’s Place sa Antipolo ang supermarket.
Yes, nandito lang sila sa Manila at wala sa Cebu.
“Dito naman talaga sa Manila sila nag-stay, bihira sila sa Cebu,” sabi sa amin ng taong may alam sa kuwento nina JLC at Ellen.
Going back to Home Sweety Home, apat na taon na pala itong umeere, at hindi namamalayan na isang taon nang wala sa sitcom si Lloydie pero hindi naman naapektuhan ang ratings nito, kaya tuluy-tuloy pa rin ang show at wala naman kaming naririnig na magre-reformat.
Ang tanong, saang bansa kaya pupunta ang tropa ng Home Sweety Home para hanapin si Romeo?
-Reggee Bonoan