Tulad ng kanyang pangako, ginitla ni five division world champion Nonito Donaire Jr. ang British boxing fans nang agawin ang WBA bantamweight title sa kampeong si Ryan Burnett ng United Kingdom via 5th round TKO sa sagupaang ginanap kamakalawa ng gabi sa The SSE Hydro, Glasgow, Scotland.

Donairepic copy

Pinabagsak ni Donaire si Burnett sa 4th round ng laban ngunit nagkapinsala sa likuran ang Briton na hindi na nakalaban sa 5th round kaya napilitan si referee Howard John Foster na ibigay sa Pinoy boxer ang WBA Super bantamweight at WBC Diamond belts.

“Former five-division champ Nonito Donaire dethroned WBA bantamweight super champion Ryan Burnett by TKO5 Saturday night at the SSE Hydro in Glasgow, Scotland,” ayon sa Fightnews.com. “In round four, Burnett suffered a back injury and took a knee. He finished the round but couldn’t continue after the break. Donaire will continue to the WBSS bantamweight semifinal against Zolani Tete.”

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa pagwawagi sa quarterfinals ng World Boxing Super Series bantamweight tournament na may alok na $1 milyon premyo at prestihiyosong Muhammad Ali Trophy sa magkakampeon, susunod na makakaharap ni Donaire si WBO bantamweight titlist Zolani Tete ng South Africa na tumalo naman sa puntos kay Russian Mikhail Aloyan noong nakaraang Oktubre 13 sa Ekaterinburg, Russia.

Ito ang unang laban ni Donaire sa bantamweight division makaraan ang pitong taon at pinatunayan niya na kayang bumaba sa 118 pounds division makaraang huling lumaban at natalo sa puntos kay Briton Carl Frampton para sa interim WBO 126 pounds title.

Napaganda ni Donaire ang kanyang rekord sa 39 panalo, 5 talo na may 25 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Burnett sa 19 panalo, 1 talo na may 9 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña