MAY mga painting din si Carlos Botong Francisco sa mga bangko, unibersidad, hotel, mga gusali at sa maraming tahanan ng mayayamang Amerikano at Pilipino. At isa sa nabantog na painting niya ay ang paglalarawan ng kasaysayan ng Pilipinas 500 taon na ang nakalipas (500 Years of Philippine History). Ang mural painting na iyon ay itinanghal sa “International Fair” noong 1953 sa Maynila. May sukat na 88 metro ang haba at may walong talampakan naman ang taas. Inilathala iyon ng “Newsweek” magasin sa dalawang pahinang may kulay noong ika-8 ng Pebrero, 1953.
Nagbalik si Carlos Botong Francisco sa kanyang Manlilikha noong Marso 31, 1989. Lunes Santo. Kamatayang simbigat ng bundok sa puso ng kanyang mga kababayan at tagahanga. Ang kamatayan niya ay naging malaking kawalan sa bansa at sa sining ng Pilipinas. At bago siya namatay, nakaguhit pa siya ng mukha ni Kristo na ginawang cover ng Kislap Magasin para sa Lenten o pang-Mahal na Araw na issue ng nasabing magasin.
Maaga man namayapa si Carlos Botong Francisco, may malaking aral siyang naiwan sa bawat Pilipino - upang maging tagumpay at dakila, hindi kailangan sa Pilipino ang mangibang-bansa. May likas tayong talino na pantay sa talino ng mga tao sa buong daigdig. Ang kailangan lamang ay magkaroon tayo ng pagsisikap at “fighting spirit”.
Matagal nang yumao si Carlos Botong Francisco. Sinasabing sa kamatayan ng tao nagwawakas ang kanyang mga nagawa, alaala at buhay-materyal sa mundo. Ngunit para sa mga taga-Angono, hindi nila malilimutan si Carlos Botong Francisco lalo na ang mga nagmamahal at nagmamalasakit sa sining at sa legacy o pamana ng dakilang pintor-muralist. Ang pangalan at nagawa niya ay parang pusong patuloy sa pagtibok.
Bilang pagkilala, pagpapahalaga at pagdakila sa kanya, nagkaisa ang lahat ng mga alagad ng sining sa Angono na itatag ang “Angono Ateliers”, isang samahan ng mga pintor na magpapatuloy sa mga sinimulan at nagawa ni Carlos Botong Francisco. Ang unang Pangulo ng “Angono Ateliers” ay ang pintor na si Dominador “Domeng” Tiamson. Nagkaroon siya ng “art exhibit” at “on-the-spot painting contest” noong Nobyembre 4, 1969 na kaarawan ni Carlos Botong Francisco.
May pagkakataon pa na sa “monthly meeting” ng “Angono Ateliers”, ay inanyayahan ang National Artist na si Vicente Ka Enteng Manansala na ang bahay at art gallery ay nasa Barangay Tayuman, Binangonan, Rizal. Nagbibigay siya ng lecture tungkol sa sining sa mga pamunuan at miyembro ng “Angono Ateliers”.
Nang maging Presidente naman ng samahan si Jose Pitok Blanco at nagkaroon ng art exhibit bilang parangal at pagkilala kay Carlos Botong Francisco. Noong Nobyembre 4 hanggang Nobyembre 23, 1975, dalawang art exhibit ang ginawa ng “Angono Ateliers”. Ang una ay sa bahay ng National Artist. Ang ikalawa ay sa Angono gymnasium. May pamagat na “ANGONO 75: Kabuhayan, Sining at Kalinangan ng Angono”. At sa loob ng mahigit na dalawang dekada, nagpatuloy ang art exhibit ng “Angono Ateliers” na pagpapahalaga at parangal kay Carlos Botong Francisco. Pagkatapos, ang pamamahala sa art exhibit ay inilipat na sa pamahalalang bayan ng Angono.
Sa pamumuno ni Mayor Gerry Calderon, nagpatuloy ang art exhibit na parangal at pagpapahalaga kay Carlos Botong Francisco. Naging bahagi na rin ang pagkakaroon ng misa sa paanan ng libingan ng National Artist sa Angono Catholic Cemetery. Sinusundan ng pag-aalay ng mga bulaklak ng mga miyembro ng Sanggunaing Bayan, DepEd family, ng mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan sa Angono, ng mga opisyal ng barangay at ng iba’t ibang oraganization at business establishment sa Angono.
-Clemen Bautista