Sa basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte, may tsansang mapagtibay sa 17th Congress ang Anti-turncoatism bill, sinabi ng chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Kumpiyansa si Citizens’ Battle Against Corruption (Cibac) party-list Rep. Sherwin Tugna na ang isinusulong na batas ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo ay maaaprubahan bago magtaos ang 17th Congress sa Hunyo 2019.

Sinabi niya na hindi magdadalawang-isip ang Mababang Kapulungan sa pagpasa sa batas laban sa political butterflies sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Nobyembre 12.

“Pagbalik natin, maka second reading at third reading. Ako sa tingin ko kaya natin ito sa Lower House. Lusot na lusot ito sa amin lalo na pet bill ito ni Speaker Arroyo at napakaganda talagang panukalang batas,” aniya. “Siyempre with the blessing of the President.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa House leader hihilingin niya sa kanyang katapat sa Senado na si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, ang status ng panukala.

Binanggit ni Tugna na sa ilalim ng panukala, ang mga politiko, kabilang na ang mga senador, ay maaari lamang magpalit ng partido politikal sa ikalawang taon ng kanilang termino upang maiwasan na samantalahin nila ang perks at resources ng bagong administrasyon.

Aniya, bibigyan ng panukala ng katatagan ang political landscape at titiyakin ang pagpapatuloy ng mga polisiya at program ang gobyerno.

Sakop ng panukalang batas ang lahat ng political parties na nakarehistro sa Commission on Elections (Comelec).

Sinabi ni Speaker Arroyo, isa sa mga mag-akda ng panukala, na layunin ng hakbang na bigyang halaga ang party ideals at policy agenda sa halip na political pragmatism at survival.

Sinabi niya na ang “turncoatism” ay hindi dapat na hinihikayat o kinukunsinti dahil sinisira nito ang konsepto ng word of honor at dignidad ng isang pinuno.

Ang iba pang may-akda ng batas ay sina Deputy Speaker at Capiz Rep. Fredenil “Fred” Castro, Cagayan De Oro City Rep. Maximo Rodriguez, at MAGDALO Rep. Gary Alejano.

-Charissa M. Luci-Atienza