“ITONG mga tagumpay kailan lamang ng puwersa ng gobyerno laban sa mga rebelde ay patungo na sa pagwawakas ng himagsikan ng mga komunista sa kalagitnaan ng 2019,” wika ni Defense Seretary Delfin Lorenzana nitong nakaraang Miyerkules. Ayon sa kanya, 3,443 rebelde ang sumuko noong Setyembre 2018 base sa records ng Armed Forces of the Philippines Peace and Development Office. Aniya, 1,162 rebelde ang mga naaresto o napatay ng militar. Iniulat din ng militar na 210 barangay ang napalaya na sa impluwensa ng New People’s Army (NPA). Pero, pinabulaanan ito ni Communist Party of the Philippines founding chair Jose Ma. Sison. “Nanatiling buo ang mahigit na 5,000 armadong NPA sa 110 guerilla fronts sa 73 probinsiya,” sabi niya.
Hindi isyu rito kung nababawasan o dumarami ang bilang ng mga rebelde. Lalong hindi isyu iyong matatapos ang communist insurgency. Kasi, ang ipinagmamalaki ni Sec. Lorenzana na tatapos dito ay puwersa ng gobyerno. Ang rebelyon ay hindi problemang militar na ang solusyon ay lakas at armas. Kahit totoong may mga naarestong mga rebelde, makukulong mo ba ang kanilang isipan, prinsipyo at simulaing kanilang ipinaglalaban. Mapatay mo man sila, hindi mawawalan ng mga babangon at titindig sa kanilang binagsakan para ipagpatuloy ang kanilang ipinaglalaban. Hanggang nananatili ang dahilan ng kanilang pag-aalsa, hindi mo sila masasawata.
Hindi pa naman gaanong katagalan para makalimutan natin ang nakaraan. Ipinataw ni dating Pangulong Marcos ang batas militar sa buong bansa upang iligtas umano ang republika sa nakaambang panganib sa kamay ng mga komunista. Ang buong Sandatahang Lakas ay lubos na kontrolado niya. Ang gobyerno ay halos nasa palad niya. Pero, nasupil ba niya ang mga rebelde? Maaaring noong umpisa ay humina sila. Ang taumbayan kasi ay napaniwala ni dating Pangulong Marcos na sa pamamahala niya gamit ang kamay na bakal ay maisusulong niya ang pagbabago, titino ang kanilang buhay at mahahango sila sa kahirapan. Eh ang ganap na kapangyarihan ay nagbigay sa kanya at kanyang mga kaalyado ng laya upang abusuhin ito. Kung gastusin nila ang pera ng bayan ay mistulang kanila. Naghirap at nagutom ang taumbayan. Ang mga nagreklamo at kumilos upang iparating sa gobyerno ang kanilang hinaing ay pinagmalupitan. Nangawala at nangabuwal sila sa gitna ng kadiliman. Ang kagutuman, kalupitan, at kawalan ng katarungan ang nagparami sa mga rebelde.
Kaya, kung lakas at dahas lamang ang inaasahan ni Sec. Lorenzana na magwawakas sa communist insurgents, nagkakamali siya. Itinuturo ng kasaysayan na ang militarization ay hindi lunas sa rebelyon. Ang rebelyon ay socio-economic problem. Ang corrupt at malupit na gobyerno ay hindi ito kayang lunasan. Palulubhain nito ang problema. Ang uri ng gobyernong magpatahimik sa mamamayan ay iyong mahal nila ito dahil nagagamit nila itong instrumento para sa kanilang kapakanan. Nilulutas iyong kanilang problema sa ilalim ng rule of law kung saan ang kanilang karapatan ay iginagalang at pinoproteksyunan. Ang ekonomiyang itinataguyod nito ay nagpapaganda sa kalagayan ng mamamayan lalo na iyong mga dukha.
-Ric Valmonte