KINUMPIRMA ng isang taga- ABS-CBN na magre-reformat ang ASAP simula sa Nobyembre 18.
Walang binanggit sa amin kung sino ang mawawala sa programa, pero ang siniguro ay sina Piolo Pascual, Ogie Alcasid, Sarah Geronimo, Luis Manzano, Billy Crawford at Regine Velasquez ang main hosts ng bagong Sunday variety show. Hindi naman nabanggit sa amin kung semi-regular bilang hosts sina Gary Valenciano at Martin Nievera.
“Technically wala namang mawawala, siguro semi-regular lang, kasi loyal naman sila (artists), “sabi sa amin ng taga-Dos.
Kung walang mawawala, bakit kailangan pang mag-reformat?
“May mga babaguhin, kasi siyempre for 20 years, baka nasawaan na rin ang tao,” paliwanag sa amin. Sinundot namin ng tanong kung anong mababago sa show? Babaguhin ba ang disenyo ng stage? Anong mga segment ang idadagdag o mawawala?
“Panoorin mo na lang,” sabi sa amin.
Samantala, may nagbulong sa amin na magpapalit daw ng mga tao sa show, dahil ang kasalukuyang head ng ASAP ay may bagong show, kaya hindi na nito kakayanin pa ang workload.
Tama ba ang narinig namin na mapupunta na ang ASAP sa unit ni Lui Andrada, business unit head ng Gandang Gabi Vice, Kids Choice, at marami pang iba na pawang panalo sa ratings game.
Saktong naka-online si Lui habang tinitipa namin ang balitang ito kaya tinanong namin kung totoong siya na ang may hawak ng ASAP.
“Yes, it’s true. It’s under my unit now. Walang mawawala (artists), “tipid na sagot sa amin ng bagong bossing ng ASAP.
Inalam namin kung may bagong segment, at kung ano ang mawawala sa bagong ASAP.
“Walang carry over na segment,”sabi ulit ni Lui.
Major reformat ang mangyayari sa buong programa kung gayon. Tinanong na rin namin siya kung pati ang titulo ng show ay babaguhin na, pero hindi na niya kami sinagot pa.
Binalikan namin ang nauna naming kausap na taga-Dos, pero hindi na rin siya nagkuwento. Paulit-ulit lang niyang sinasabi na panoorin namin ang bagong ASAP sa Nobyembre 18 para masagot ang mga tanong namin.
-REGGEE BONOAN