IPINAHAYAG nitong linggo ni Senador Sherwin Gatchalian, pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, na malamang na hindi umabot sa Kongreso ang ikalawang tax bill ng administrasyon, ang Tax Reform for Attracting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) bill, bago matapos ang taon o kahit pa sa mga susunod na buwan nito.
“Next year is an election year,” aniya. “It’s hard to pass tax reform in an election year, especially when there is a risk of job losses.” TRAIN 2 ang orihinal na pangalan ng TRABAHO—ang ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Ngunit matapos magsimulang sumirit ang mga presyo at karamihan ng mga sisi ay ipinupukol sa batas sa buwis, pinalitan ng Kamara de Representantes ang pangalan nito sa TRABAHO, sa pag-asang mas maging kaakit-akit sa publiko ang pangakong ng mas maraming trabaho.
Gayunman, ito man ay TRAIN o TRABAHO, malamang na maharap sa malaking pagsalungat sa Senado ang tax bill na ito, na inaprubahan na ng Kamara. Dahil habang iminumungkahi nito ang mas mababang corporate income taxes—ang bahagi ng tax reform—hangad nitong alisin ang maraming libreng buwis at insentibo na ibinibigay sa mga batas na pinagtibay sa mga nakalipas na taon upang mahikayat ang maraming dayuhang kumpanya na ilagak sa mga Philippine export zones ang kanilang operasyon. Marami sa mga kumpanyang ito ang nababalitang nagpaplanong bawasan ang kanilang operasyon o umalis na lamang ng bansa, na isang malaking dagok para sa libu-libong Pilipinong kanilang empleyado.
Sa pagtatapos ng taong ito, inaasahang makalilikom ang TRAIN 1 ng kabuuang P63.3 bilyon sa bagong buwis, karamihan ay mula sa mga angkat na diesel at iba pag langis, ngunit dahil sa epekto nito sa inflation—ang pagtaas ng mga presyo—nagdesisyon ang pamahalaan na ihinto muna ang koleksiyon ng buwis mula sa TRAIN sa unang tatlong buwan ng 2019. Para sa kahalintulad na kritikal na rason—ang pangangailangang isalba ang trabaho—baka kailanganin munang ipagpaliban ang TRAIN 2 o TRABAHO hanggang sa bumuti ang kondisyon ng ekonomiya ng bansa.
Ginamit ni Senador Gatchalian ang nalalapit na eleksiyon bilang kanyang rason sa pagtinging maaaring hindi maipagtibay ang TRABAHO bilang batas sa mga panahong ito. Hindi lamang magiging abala ang Senado sa pagdinig ng mga pahabol na panukalang-batas na kinakailangan ng aksiyon bago matapos ang 17th Congress. Marami sa mga senador, na karamihan ay naghahangad na muling mahalal, ang nakaaalam sa panganib na dala ng tax bill sa sinumang kandidato.
Maaaring napigil na ang tumataas na mga presyo at nalalapit nang humupa mula sa narating nito noong Setyembre. Ngunit ang mga trabahong mawawala na dulot ng TRAIN 2 o TRABAHO ay isang kasing panganib na isyu sa halalan para sa sinumang kandidato.
Para sa rasong ito, hind nating inaasahang uusad pasulong ang TRAIN 2 o ang TRABAHO sa mga susunod na buwan, tulad ng mungkahi sa Kongreso na aprubahan ang bagong Konstitusyon na nakaayon sa pederal na sistema ng pamahalaan. Pinakamabuting ipaubaya na lamang ang mga sensitibong isyung ito sa susunod-ang ika-18 Kongreso ng Pilipinas.