Pinayuhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang makaiwas sa matinding trapiko na idudulot ng road reblocking at repairs ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang kalsada sa Metro Manila, ngayong weekend.

Sa abiso ng MMDA, dakong 11:00 ng gabi nitong Biyernes nang sinimulan ng DPWH ang pagsasaaayos sa southbound C-5 Road, pagkatapos ng Lanuza Avenue; C-5 Road malapit sa SM Aura (2nd outermost lane); at EDSA Scout Albano, pagkatapos ng Sct. Borromeo (3rd lane from sidewalk).

Bukod dito, inaapura rin ang pagkukumpuni sa northbound EDSA, bago mag-Oliveros Footbridge, bago mag-Globe Master, 2nd lane, bago ang Times Street.

May inaasahan ding restoration/concreting sa Roosevelt Avenue northbound, panulukan ng Baler Street (1st lane buhat sa sidewalk); West Avenue southbound, Baler hanggang Examiner Streets (1st lane mula sa sidewalk); Visayas Avenue northbound, Road 1 intersection (kalahati ng 2nd hanggang 3rd lane mula sa sidewalk).

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Aayusin din ang Commonwealth Avenue malapit sa Pedestrian footbridge at malapit sa Jocfer Building, hanggang sa Commonwealth malapit sa N. Zuzuaregui Street.

Ang lahat ng apektadong kalsada ay muling bubuksan ng 5:00 ng umaga sa Lunes, Nobyembre 5.

-Bella Gamotea