SINASABING ang buhay ng tao sa daigdig ay isang paglalakbay. At lahat ng taong isinilang ay nakikiraan lamang sa mundo. Dumarating ang wakas o kamatayan. Sa iba’t ibang paraan at mga dahilan. May sa bigla at tahimik na paraan, pagkakasakit, aksidente, at kalamidad. Ang iba ay sa marahas at malagim na pangyayari bunga ng kalupitan ng kapuwa.
At ang kamatayan ng tao ay naghahatid at nag-iiwan ng dalamhati, kapaitan, pagdaramdam, hirap ng kalooban at bigat sa dibdib. Ngunit sa paglisan ng tao sa daigdig, ang kanyang mga alaala ay hindi nalilimot ng mga naulila at naiwan. Bagamat may mga nagsasabi na sa kamatayan ng tao nagwawakas ang lahat, sa mga nakararami at hindi namamatay ang pagmamahal sa namayapang mahal sa buhay at hindi naglalaho ang kanilang alaala. Ang pagpapahalaga ay hindi nalilimot ng mga Pilipino. Ito’y isa nang tradisyon at kulturang nag-ugat na sa ating lahi.
Ang pagpapahalaga sa alaala ng namayapang mahal sa buhay ay tumitingkad kapag sumapit na ang unang araw ng Nobyembre. Bagamat ang araw na ito ay TODOS LOS SANTOS, na itinakda ng Simbahan upang bigyan ng parangal ang lahat ng mga banal, dito naman sa ating bansa ay iniuukol ang araw na ito para gunitain ang lahat ng mga namatay. Nagpapapatuloy ang paggunita tuwing ika-2 ng Nobyembre, na sa kalendaryo ng Simbahan ay paggunita sa Araw ng mga Kaluluwa o All Souls’ Day.
Tanawin sa mga sementeryo, memorial park at iba pang libingan ang pagkakaroon muli ng buhay na sa nakalipas na mga araw ay mapanglaw. Ang mga naiwang kaanak ng mga yumao ay nagtutungo sa nasabing mga pook. Dinadalaw ang puntod at libingan ng namayapang mahal sa buhay. Inaalayan ng mga sariwang bulaklak, iniilawan ng mga kandila, at pinag-uukulan ng mataos na dalangin.
Ang tradisyong ito’y patuloy na ginagawa ng mga Pilipino. Mahirap man o mayaman at maging anuman ang kalagayan nila sa lipunan. Isang katibayan na hindi sa kamatayan nagwawakas ang ugnayan ng mga nabubuhay at ng mga yumao.
May nagsasabi rin na sa pag-aalay ng mga bulaklak, pagtitirik ng mga kandila at pag-uukol ng mga dalangin, ang tanikala ng buhay ay nag-uugnay sa lahat ng salinlahi.
Ang tradisyong ito, kahit na nagkakaroon ng mga pagbabago tulad ng nagmimistulang karnabal ang ibang mga libingan at memorial park, ang pagdalaw sa mga libingan ng namatay na kaanak at iba pang mahal sa buhay ay isang napakagandang mukha ng ating tradisyon at kultura. At ang paggunita sa mga alaala ng mga namayapang mahal sa buhay ay hindi lamang nakasentro sa pamilya. Nakatuon din ito sa lahat ng taong nasa komuidad o pamayanan, bayan, lalawigan at sa buong bansa.
Maitatanong marahil ng iba, saan nag-ugat at nagsimula ang pagpapahalagang ito?
May nagsasabing ang tradisyong ito ay nag-ugat sa relihiyon at paniwalang ang tao, kapag binawian na ng buhay, ay maaaring muling mabuhay. May naniniwala na ang mga dakila ay umaakyat sa langit upang maging banal o santo.
Sa paniniwalang Kristiyano, ang muling pagkabuhay ng mga yumao ay binabanggit din. Ang mga patay ay muling mabubuhay sa katapusan ng mundo at sa araw ng paghatol.
Ang mga bagay na ito ay maraming ulit na ipinahayag ni Kristo sa araw ng pagkabuhay. “Huwag ninyong ipanggilalas ito sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig ng tinig.At magsisilabas. Ang mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay na mag-uli sa buhay at ang nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay na mag-uli sa paghatol (Juan 8: 28-29).
-Clemen Bautista