Kaagad na nagpadala ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng two-man team mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Agana, upang ayudahan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Northern Marianas na lumikas matapos na manalasa ang bagyong ‘Yutu’ o ‘Rosita’ sa nasabing isla, nitong nakaraang linggo.
Bumiyahe kamakalawa ang team ng Konsulado patungong Saipan, para magsagawa ng relief assistance sa mga apektadong OFWs.
Ayon kay Consul General Marciano R. De Borja, bukod sa pamamahagi ng cash assistance, titingnan o susuriin din nina Vice Consul Alex O. Vallespin at Assistance to Nationals (ATN) Officer Juliet S. Simbul ang kalagayan ng Filipino Community sa isla at makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Saipan.
Ayon pa kay De Borja, ilang Pinoy ang iniulat na nawalan ng bahay dahil sa bagyo at limitado ang kanilang pagkain at tubig.
Aniya, nasa 6,000 OFWs ang target ayudahan sa tinatayang 15,000 miyembro ng Filipino Community sa Saipan, ang pinakamalaking isla sa Northern Marianas.
-Bella Gamotea