Mga laro ngayon:

Araneta Coliseum

4:30 pm NLEX vs. Rain or Shine

6:45 pm San Miguel vs. Meralco

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Makasiguro ng playoff berth para sa huling quarterfinals slot ang tatangkain ng Meralco sa pagsagupa nila sa San Miguel Beer sa tampok na laro ngayon sa penultimate day ng elimination ng PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Kasalukuyang nasa ika-8 puwesto taglay ang barahang 4-6 panalo-talo kasalo ng TNT Katropa, tatangkain ng Bolts na isara ang elimination round sa pamamagitan ng panalo upang makaungos sa kaagaw nila sa huling upuan sa top 8.

Ngunit kung mabibigo sa kamay ng Beermen at magwawagi ang Katropa sa laban nito kontra sa kasalukuyang lider Barangay Ginebra (8-2) sa Linggo, ang Bolts ang makakasama ng Rain or Shine, Northport at Columbian Dyip na maagang magbabakasyon.

Pero kung kapwa sila matatalo, magtutuos sila sa isang knockout match para sa huling quarterfinals berth.

Sa kabilang dako, bagamat nakakasiguro ng pasok sa susunod na round sa hawak na kabaligtarang markang 6-4(panalo-talo), tiyak namang hindi rin papatalo ang Beermen na gustong makabuwelo papapasok ng quarterfinals.

Mauuna rito, maisiguro naman ang pag-usad nila sa quarters at makaiwas na sa kumplikasyon gaya ng pagdaan sa playoff para makausad ang tatangkain ng NLEX sa pagsagupa nila sa ousted ng Rain or Shine Elasto Painters.

Ganap na 4:30 ng hapon ang tapatan ng dalawang koponan bago ang salpukan ng Beermen at Bolts ganap na 6:45 ng gabi.

Kasalukuyang nasa solong ikalimang puwesto ang Road Warriors hawak ang patas na markang 5-5 kasunod ng pumapang-apat na Beermen na bumubuntot sa magkasalong Phoenix at Blackwater sa 3rd spot (7-3) at second running Alaska at Magnolia (8-3).

-Marivic Awitan