SA interbyuhan namin kay JM de Guzman pagkatapos ng mediacon ng pelikula niyang Kung Paano Siya Nawala, katambal si Rhian Ramos, natanong ang binata kung alam niya na mahusay siyang aktor kaya nananatili pa rin siya sa showbiz hanggang ngayon.
“Hindi ko po alam.” Ito ang natatawang sagot ni JM sa nabanggit na tanong ng katotong Isah Red, dating entertainment editor ng Manila Times.
“Hindi ko po iniisip, inaalis ko po (sa isip ko). Kasi ‘pag ganu’n, wala nang ano (room for improvement),”sabi ni JM.
Akalain mo nga namang ilang beses nang nawala sa showbiz si JM, pero laging nakakabalikwas ang kanyang career.
Kasi naman, bukod sa mahusay talaga siyang artista, napakabait, napakanatural at higit sa lahat, marunong makisama at tumanggap ng pagkakamali si JM.
Kaya naman saksi kami kung gaano siya kamahal ng lahat, at deserve niya talagang mabigyan ng maraming chance.
“Oo n g a p o . S o b r a n g nagpapasalamat ako sa ABS-CBN at kay Direk Ruel (Bayani), at sa lahat ng producers na kinukuha ako sa pelikula,” sabi ni JM.
Ang Kung Paano Siya Nawala ang unang pelikula ng aktor simula nang muli siyang mamahing sa showbiz noong 2015, at huli siyang napanood sa Tandem (2015) at That Thing Called Tadhana (2014).
“First time kong nabasa ‘yung script (ng Kung Paano Siya Nawala), gusto ko na talaga siyang gawin. Ang ganda ng story and character. Challenging siya for me.
“Gusto ko ring makatrabaho si Rhian at si Direk Joel Ruiz, and of course ang TBA Studios, so lahat nag-match.
“Maraming parts sa buhay ni Lio (karakter niya sa pelikula) na nata-tap ko sa personal kong buhay at napagdaanan ko rin. Naka-connect ako sa kanya.”
Sa pelikula, problema ni Lio na hirap siyang makatanda ng tao dahil sa kanyang face blindness. Pero nang makita niya si Shana (Rhian) ay hindi na niya nakalimutan ang dalaga, at tandang-tanda niya ito.
Mapapanood na ang Kung Paano Siya Nawala sa Nobyembre 14 nationwide, mula sa TBA Studios. Tampok din sa movie sina Agot Isidro, Barbara Ruaro, at Ricky Davao.
-REGGEE BONOAN