Sa kabila ng panawagan na iwasan ang pag-iiwan ng kanilang mga basura sa mga sementeryo sa pagdalaw sa mga yumao, truck-truck pa rin ng basura pa rin ang nahakot ng pamahalaang lungsod ng Maynila mula sa Manila North Cemetery kahapon, matapos ang paggunita sa Undas.
Sa datos ng Manila Police District (MPD), tanghali pa lang ay nasa 12 truck na ng basura ang nahakot nila mula sa pinakamalaking sementeryo sa Maynila.
Ang naturang mga basura ay iniwan ng nasa 1.5 milyong bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay nitong Todos Los Santos.
Inaasahan namang madaragdagan pa ang bilang ng mga truck ng basurang makukuha sa sementeryo, dahil patuloy pa ang paglilinis sa lugar habang isinusulat ang balitang ito.
-Mary Ann Santiago