BAGUIO CITY – Idineklara kahapon ni Natonin, Mountain Province Mayor Mateo Chiyawan na wala nang inaasahang survivor sa 22 napaulat na nawawala matapos na maguhuan ng lupa ang gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kasagsagan ng bagyong ‘Rosita’ nitong Martes ng hapon.
Dahil sa deklarasyon ng alkalde, retrieval operation na lang ang isinasagawa ngayon sa ground zero sa Barangay Banawel, Natonin.
Kahapon, tatlo pang bangkay ang narekober may isang kilometro ang layo sa ground zero, na pinaniniwalaang inanod sa ilog at natagpuan sa creek.
Nadagdag ang tatlo sa unang limang bangkay na nahukay sa lugar nitong Miyerkules.
Nakilala ang dalawa sa mga bagong narekober na labi na sina Jeffrey Nagawa at Mike Salioan.
Sinabi naman ni Natonin Councilor Rafael Bulawe na ang isang hindi pa nakikilala ay hindi matiyak kung kabilang sa mga nagkanlong sa naguhuang gusali, at hinihinalang inanod lang sa lugar mula sa kalapit na bayan ng Paracelis.
Sa kabuuan mayroon nang 18 na-rescue sa insidente.
Nasa 22 naman ang nawawala, at kinilala ng kanilang mga kaanak na nagtungo sa lugar.
Pawang empleyado ng construction firm ang mga nawawalang sina Eddie Galanga, Reggie Dayag, Jojo Ngilin, Balong Epan, isang Futek, isang Falichang, isang Lemmon, isang alyas “Boy”, Ober Archihon, Gerry Hecyawan Galong, isang Esther, Randy Sayod, Boyong Castro, Rogel Alubong, at dalawang hindi pa nakikilala.
Lima namang kapitbahay ang sinasabing nakisulong sa gusali noong kasagsagan ng bagyo at kinilalang sina Innocencio Gollingoy, Juanita Longam, Virginia Catet, Guyangan Catet, at John Tomakcheg.
Ayon naman kay DPWH-Cordillera Director Tiburcio Canlas, aabutin nang mahigit isang buwan bago mai-clear ang lugar ng landslide.
Sa kabuuan, umabot na sa 17 ang kabuuan ng kumpirmadong nasawi sa pananalasa ng bagyong Rosita sa apat na rehiyon sa Luzon.
-RIZALDY COMANDA, ulat ni Aaron Recuenco