NAKATUON ang pansin kay Asia’s first grandmaster Eugene Torre sa pagsulong ng 2018 Asian Seniors Chess Championship bukas sa Tagaytay International Convention Center sa Tagaytay City.
Idedepensa ni Torre, tinaguriang “Poster Boy” ng Philippine chess mula noong dekada 70s, ang korona sa prestihiyosong nine-round tournament na itinataguyod ng Tagaytay City government, sa pamamagitan ni Cong. Abraham “Bambol” Tolentino at Mayor Agnes Tolentino.
“It will be a another big challenge for me, but I am ready (to defend the title). I’ll do my best as always,” pahayag ng 67-anyos na si Torre.
Nakamit ni Torre, tumayong coach ng Philippine team na tumapos sa ika-37 puwesto sa 53rd Chess Olympiad sa Batumi, Georgia, ang korona sa nakalias na edisyon sa New Zealand.
Tangan ng Pinoy GM ang No.1 seeding na may ELO 2449.
Inaasahang magbibigay ng hamon kay Torre sina FM Oleg Rinas ng Kazakhstan, FM Muhammad Novuan Siregar ng Indonesia, Kuanishbek Jumadullayev ng Kazakhstan, Than Khin ng Myanmar, Syarif Mahmuf ng Indonesia, Aitkazy Vaimurzin ng Kazakhsran, Tony Davis ng New Zealand, Kian Hwa Lim ng Malaysia at Mahmood Dodeen ng Palestine.
Sasabak din ang mga Pinoy na sina IM Chito Garma,Cesar Caturla, Rosendo Bandal, Casto Anundo, Efren Bagamasbad, Adrian Pacis at Stewart Manaog.
Nakataya sa prestihiyosong 10-round tournament na inorganisa ng Tagaytay Chess Club, sa basbas ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at Asian Chess Federation (ACF) ang kabuuang P150,000 cash prizes.
Tatanggap ang kampeon ng International Master title at Grandmaster norm, habang ang Runners-up ay may FIDE Master title. May ispesyal namang premyo sa mangungunang woman player.
Nakalista sa torneo sina Helen Milligan ng New Zealand at Mila Emperado ng Pilipinas.
Ang torneo ay nasa ikasiyam na season at para sa dalawang kategorya na over-50 at over-65.