MASIGLANG tinanggap ng mga taga-Boracay ang pahayag ng Department of Science and Technology (DoST) na patuloy nilang tutugunan ang hamon ng wastong pangangasiwa sa mga basura sa isla.
Nangako si DoST Western Visayas Regional Director Rowen Gelonga na tutulong sila sa paglalagay ng mga “bioreactors” o mekanismo para gawing “compost” ang basurang ‘biodegradable’ o nabubulok. Tunay ngang mabuti at kapaki-pakinabang ito dahil bukod sa matututo sila ng maayos na pangangasiwa sa basura, ang pataba o abono nilang magagawa ay makapagpapasigla sa produksiyon ng mga sakahan sa isla at maaari pang ibenta para pagkakitaan.
Sa ginawang pag-aaral, mahigit 40% ng basura sa Boracay ay biodegradable o nabubulok. Malaking bulto ito. Nangako naman ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAANRRD) na magbibigay sila ng mabisang “microorganisms” para sa pagbulok, at mga pagsasanay sa paggawa ng abono.
May itinalagang mga espesyalista ang DoST sa pagbabawas ng basura sa isla na ang ilan ay inilagay sa mga establisyemento, bukod sa tuluy-tuloy na pag-aaral ng teknolohiya para sa “wastewater management.”
Obligasyon ng lahat ang maayos at mabisang pangangasiwa sa basura, pati mga turista na dapat palagiang pinaaalalahanan tungkol sa kahalagahan at responsibilidad nila kaugnay nito.
Tanyag sa mala-pulbos na puting buhangin sa mga baybayin nito na nananatiling malamig sa talampakan kahit katanghalian sa tag-araw, binuksan na ang Boracay sa mga turista at mga bisita.
Pangangalaga sa ilegal na sugal. Nagbabala kamakailan sa Legazpi City si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Alexander Balutan sa ilang pulitiko, lalo na mga mayor at gobernador, na tigilan na nila ang pagkupkop at pangangalaga sa mga “illegal gambling operators” at kung hindi, mapipilitang siyang ibigay sa DILG at sa Police ang listahan ng mga naturang pulitiko na hawak niya, para mabulgar at makasuhan sila.
Masamang balita ito para sa mga kandidatong kumikita nang malaki sa ilegal na sugal para pambili ng boto at mga gastusin sa kampanya. Kasama rito ang ilang pulitiko na operator mismo ng ilegal na sugal na nagtatago sa likod ng kanilang mga “dummies.”
Nangunguna pa rin ang jueteng sa mga illegal na sugal. Laganap at garapalan itong ginagawa sa buong bansa bagama’t popular umano ang Masiao at last-2 digit sa Kabisayaan at Mindanao.
Nakalikom ang PCSO ng mahigit P48 bilyon mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon mula sa operasyon nito, 25% higit sa P38.2 bilyong kinita sa parehong panahon noong 2017, para sa mga pang-kawanggawang programa nito.
-Johnny Dayang