BELIEVE it or not, ilang maliit na grupo lamang ng mga “hao-siao” na empleyado ang “nagpapatakbo” sa mga kalakarang pinagkakakitaan ng bilyones sa loob ng bakuran ng Bureau of Customs (BoC), at kalimitang sila ang pinagkakatiwalaang tauhan ng mga retiradong opisyal na pulis at militar na naitalaga ng Pangulo sa mataas na puwesto sa adwana.

Karamihan sa mga “hao-siao” na empleyadong ito ay bitbit ng mga opisyal mula sa pinanggalingang puwesto sa gobyerno – mga dati nilang “bagman” o collector – at sila ang nakikipag-usap sa mga “munting sindikato” na naghahari sa BoC, na sila ring nagmamaniobra ng “tara system.”

Karamihan sa mga miyembro ng sindikatong ito ay dating mga empleyado sa BoC na matapos maka-jackpot ay lumabas sa serbisyo, sa takot na maimbestigahan (lifestyle check) at masibak sa puwesto na may kaso. Ngunit mula sa labas – pinatakbo nila ang “munting sindikato” at dito sila tumitiba nang husto na walang peligro ng kaso dahil hindi na sila empleyado ng gobyerno!

Ikinuwento ito sa akin ng ilang vendor na tumanda na sa pagtitinda – nagbebenta ng pahulugan - ng kung anu-anong bagay sa mga empleyado ng BoC, at buong pagmamalaki pa na isa-isang pinangalanan ang mga naririnig nilang nagpapasaya sa mga empleyado sa adwana tuwing araw ng Biyernes.

Ayon sa mga vendor, base sa kanilang “obserbasyon at karanasan” sa loob ng BoC – labas-masok kasi sila sa buong compound at mga gusali ng BoC sa loob ng mahabang panahon – dati namang matitino ang mga empleyado ng BoC na nasa “plantilya” position. Nagsimula lamang na maging corrupt ang iba sa mga ito nang ang kanilang trabaho ay unti-unting napunta sa mga “hao-siao” na bitbit ng mga bagong talagang opisyal na kalimitan ay mga retiradong pulis at militar.

Aminado ang ilang legit na empleyado ng BoC na ang “envelope” nila tuwing Biyernes ay galing sa mga “reward” na kusang ibinigay ng mga kliyenteng sobrang nasiyahan sa serbisyong ipinakita nila. Piyait-piyait lamang ang “reward” na lumaki dahil naipon sa loob ng isang linggo bago pinaghatian ng mga empleyado.

At ito ang revelation – nang maumpisahan ang pagpasok sa BoC ng mga opisyal na retiradong militar at pulis, nagsimulang lumaki at naging bilyones ang “tara” sa BoC na pumapasok lamang sa bulsa ng iilan. Taliwas sa ibinabando ng mga nakaupong mga opisyal sa BoC na wala nang “tara system” sa adwana.

Dito nagsimula ang sistema na ang nagpapatakbo (nakikialam) sa maseselang trabaho sa BoC ay ang mga “hao-siao” na empleyado – hindi sila legal na sumusuweldo sa BoC, ngunit masisipag magtrabaho dahil sa malaking allowance na ibinibigay ng sindikatong dikit sa kanilang opisyal.

Lahat ng pinagkakakitaan na legal ng mga tauhang nasa “plantilya” ay binaraso ng mga “hao-siao” na sila na ang humawak , kaya ang dating “barya” na kusang ibinibigay ng mga nasisiyahang kliyente ng BoC bilang reward ay biglang lumaki at naging “tara system” na ang halaga!

Todo sa pag-iling ang mga nakausap ko nang malaman nilang isasailalim sa “military control” ang buong BoC upang ganap na mapatino ito.

Halos ang magkakaparehong komento nila ay ganito: “Ang magpapatino sa BoC ay ang pagbabalik at pagtatalaga sa mga tauhan nitong nasa ‘plantilya’ -- na mga kuwalipikado naman -- sa mga sensitibong posisyon sa Adwana.”

Karaniwan nang walang-gawang-magaling ang mga “political appointees” sa mga opisina ng pamahalaan na kagaya ng BoC. Bagkus, sila pa ang pangunahing dahilan ng pagbagsak sa collection record nito dahil ang sariling interest nila ang inuuna at hindi ang para sa bayan at mamamayan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.