POSIBLENG nang makapaglaro ang ating mga kababayang Indigenous Peoples sa ibang bansa, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Charles Maxey.

Ito ay batay sa planong paglahok ng PSC sa World Indigenous Peoples Games kung saan maaring makalaban ng ating mga katutubo ang mga IPs ng iba’t ibang bansa.

Bagama’t ito ay posibilidad pa lamang ayon kay Maxey gayung ngayon pa lamang taon na ito nasimulan ang mga pagsasagawa ng Indigenous Peoples Games na umakyat na sa ikaapat na leg.

Ayon kay Maxey, buhat sa mga katutubong lumahok sa mga nakaraang IP Games na ginanap sa iba’t ibang bahagi ng bansa, maaring pumili ang PSC ng kanilang ipadadala sa international competitions.

'Rest well my friend!' EJ Obiena, may tribute para kay Mervin Guarte

“Nakakatuwa kasi naibabalik muli ng ating mgga katutubong laro sa pamamagitan ng IP Games, at sa mainit na pagtanggap ng ating mga kababayan dito, sa kanilang paglahok, nagpapatunay lamang ito na buhay sa ating mga kababayan ang layunin na muling pagyamanin ang mga laro ng sinaunan pang panahon. At dahil dito, posible tayong lumahok internationally, kung saan sa mga kababayan din natin na lumahok dito sa IP games, pwede tayong makakuha ng talagang IP athletes na puwede nating isabak internationally,” pahayag ni Maxey sa naging panayam sa kanya ng Balita sa nakaraang IP Games sa Benguet.

Kamakailan ay nag viral sa social media ang paglahok ng kaisa isang Filipino sa World Nomad Games sa Kyrgyzstan, na si Rhon Palmera na naglaro ng sungka sa nasabing event.

Isa ang sungka sa mga katutubong laro na muling ipinakilala ng PSC IP Games sa mga kabataan na siyang pianglalabanan sa huling apat na edisyon nito.

Sa pamamagitan ng PSC IP Games, maaring makahubog ng bagong talento sa larangan ng Indigenous Games na maaring isabak sa ibang bansa.

Nagtapos nitong Linggo ang ikaapat na disyon ng IP Games sa Kapangan Benguet, habang ang unang tatlong edisyon ay ginanap sa Davao del Norte, Lake Sebu at Ifugao.

Nakatakda namang ganapin ang ikalima at huling leg ng IP Games ngayong taon sa Bukidnon ngayong hling linggo ng Nobyembre.

-Annie Abad