MAY “state of lawlessness” sa Bureau of Customs (BoC), kaya isinailalim ito ng Pangulo sa militar, wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Aniya, ang kurapsiyon at smuggling dito ng shabu, na nagkakahalaga ng P11 bilyon, ay matatawag na lawlessness gaya ng pagpapasabog ng bomba sa bayan niya sa Davao City noong 2016. Sapat umanong batayan ito para atasan niya ang militar para supilin ito base sa Saligang Batas. Pero, kung lawlessness ang corruption at smuggling ng shabu sa BoC, bakit aalisin ang mga pinuno nito, tulad ni Isidro Lapeña at Nicanor Faeldon, at ililipat mo sa ibang mga posisyon? Si Lapeña ay miyembro na ng Gabinete bilang kalihim ng TESDA at si Faeldon, director ng Bureau of Corrections. Paano, kung magamit ang pinamumunuan nilang departamento sa pagbebenta at pagpapakalat ng shabu? Eh, ang Muntinlupa Bilibid Prison ay naging lugar ng talamak na kalakalan ng droga. Isinailalim na nga ito sa kontrol ng Philippine National Police, pero patuloy pa rin ginawang bentahan ng droga.
Umiiral ang martial law sa Mindanao at magtatapos ito sa katapusan ng taon. Pero kung ito ay pahahabain ng Pangulo, ito ay depende umano sa rekomendasyon ng militar. Kamakailan, sa press conference, sinabi ni Armed Forces chief Gen. Carlito Galvez na praktikal na palawigin ang martial law sa Mindanao hanggang 2019 dahil sa darating na midterm elections. “Nagkaroon tayo ng pinakamayapang barangay elections sa Mindanao dahil sa martial law at kahit sa Marawi, sa kaunaunahang pagkakataon walang failure of elections,” sabi niya. Natutuwa ako, aniya, dahil si Sen. Sherwin Gatchalian, Philippine National Police at kahit ang mga relihiyosong grupo ay inererekomenda ang martial law extension.
Pero, ang ginawa ng Pangulo sa oOC ay kalkuladong hakbang sa pagpapalaganap ng martial law sa buong bansa. Ang pagpuslit ng mga napakalaking shipment ng shabu dahil umano sa kurapsiyon ay lawlessness sa kanya, kaya niya ipinakontrol sa militar ang BoC.
Paano ngayon ang pagdagsa ng shabu sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nasasabat ng awtoridad? Ang nakapuslit na shabu sa pantalan ay napasakamay na ng mga taong pinagkakakitaan ito. Laging laman ng balita na may sinalakay na drug den, laboratoryo at bahay na pinaglagakan ng bulto-bultong shabu ang mga ahente ng PNP, NBI, at PDEA.
May mga naganap na patayan sa engkuwentro na ang halos mga biktima ay ang mga taong nagbebenta ng droga dahil nanlaban matapos na malaman na ang katransaksiyon nila ay maykapangyarihan. Palulubhain ng mga nagkalat nang shabu ang peace and order ng bansa, lalo na ngayon na lumubo na ang inflation. Tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Nakalugmok na ang masang Pilipino sa kahirapan.
Kaya, ang problema ngayon ay hindi lang ang pagpapatuloy ng martial law sa Mindanao, kundi kung paano ito mapapalaganap sa buong kapuluan. Si Gen. Galvez mismo ang nagsabi na dahil sa martial law, naging mapayapa ang nakaraang barangay election sa Mindanao, lalo na sa Marawi. Praktikal, aniya, na may martial law dahil sa darating na midterm election. Magagamit na dahilan ang mga nagaganap na pagpaslang sa mga pulitiko habang papalapit ang halalan.
Kapag ang midterm election ay naganap sa ilalim ng martial law, mauulit ang halalang nangyari noong martial law ni dating Pangulong Marcos. Hindi mo maaawat ang paggawa at pagpapairal ng lahat ng mga paraan at patakaran para dayain ang halalan o upang makalamang ang mga kandidato ng administrasyon. Higit sa lahat, para balikan at gantihan ang mga lider pulitiko na kumalaban sa Pangulo noong nakaraang presidential elections.
-Ric Valmonte