WINAKASAN ng Far Eastern University ang tatlong taong paghahari ng National University habang napanatili ng De La Salle ang hawak nila sa women’s title sa ikalawang sunod na taon sa pagtatapos ng UAAP Season 81 chess tournament nitong weekend sa UST Quadricentennial Pavilion.
Nakakolekta ang Tamaraws sa loob ng 14-rounds ng kabuuang 40 puntos upang makamit ang kanilang14th men’s overall title habang naiuwi naman ng Lady Woodpushers ang kanilang ika-9 na kampeonato sa women’s matapos makatipon ng 43 puntos.
Sa katunayan, sa penultimate round pa lamang ay nakakasiguro na ang FEU sa men’s title matapos nilang magtabla ng De La Salle (2-2) noong Sabado.
Pormal nilang sinelyuhan ang kanilang kampeonato sa pamamagitan ng 2.5-1.5 na panalo kontra eventual third placers Adamson University sa huling round noong Linggo.
Pinangunahan ni Rookie of the Year winner at Board 2 gold medalist Jeth Morado ang tagumpay ng Tamaraws katulong si Board 4 gold medalist Romy Fagon.
Bilang konsolasyon para sa NU, napanalunan ni International Master Paulo Bersamina na siyang nagwagi ng gold medal sa Board 1 ang season MVP award sa ika-4 na sunod na taon habang nagwagi rin ng gol medal si Arnel Ilagan para sa Board 6.
Pinamunuan naman ang Lady Woodpushers ni WCM Mira Mirano na siya ring tinanghal na tournament MVP at Board 1 gold medalist, katulong ang teammate na si Samantha Revita na nagwagi naman bilang Rookie of the Year at Board 4 gold medalist at Ella Moulic na gold medal winner naman sa Board 3.
Huling tinalo ng De La Salle ang FEU, 4-0, at Universityof the Philippines, 3.5-0.5 noong Sabado at Linggo ayon sa pagkakasunod para selyuhan ang panalo.
Tumapos namang segunda ang Lady Maroons at pangatlo ang Lady Falcons.
Sa juniors division, napanatili ng FEU-Diliman ang boys title sa ika-4 na sunod na taon sa pamumuno ni Dale Bernardo, beterano ng 19th Asean Chess Age Group Championship, na syang tinanghal na season MVP habang nakopo ng NU ang una nilang girls crown sa pangunguna ni MVP Fide Master Allanney Jia Doroy.
-Marivic Awitan