DAVAO CITY - Binitbit sa pulisya si dating Tagbina, Surigao del Sur mayor Rufo Pabelonia kaugnay ng kinakaharap na kasong graft sa Sandiganbayan sa Matina Pangi, Davao City, kahapon.
Sa pagsisiyasat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Davao, dinakip si Pabelonia, 65, sa kanyang bahay sa Matina Pangi sa Davao, bandang 8:30 ng umaga.
Bitbit ng awtoridad ang warrant of arrest, na inilabas ni 3rd Division Associate Justice Godofredo Legaspi, sa kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices act (Republic Act 3019).
Ayon sa mga pulis, ang paghuli sa dating alkalde ay bahagi lamang ng kanilang "Oplan Pagtugis" campaign laban sa mga kriminal o personalidad na nahaharap sa kaukulang kaso.
"The warrant was peacefully and orderly served following the provisions of the Police Operational Procedures," paliwanag ni Davao City Field Unit head, Chief Insp. Milgrace Driz.
Nakatakdang ilipat si Pabelonia sa kustodiya ng Talomo Police Station.
-Armando B. Fenequito, Jr