NITONG nagdaang linggo, habang nakahimpil sa paliparan ng “Ninoy Aquino Two”, upang sumakay ng eroplano papuntang Cebu, nag-abot kami ng dating kaklase ko na kasabayan sa Royal Melbourne Institute of Technology sa Australia. Ilang dekada rin ang nagdaan at doon lang muli nag-krus ang aming landas.
Gayunman, nababasa niya ako sa aking mga kolum, siya naman, aktibo pa rin sa peace process ng gobyerno. Matagal na siyang abala sa nasabing tanggapan sa ilalim ng pamumuno ng ilang pangulo. Pinakilala niya ako sa tatlo niyang kasamahang opisyal, na kasama niya patungong Davao.
Marami kaming nadantayang isyu sa biglaang pondahan. Ang usapan namin ay umikot sa Mindanao, peace process, pati sa Bangsamoro Basic Law (BBL) ni PNoy, na ngayon ay Bangsamoro Organic Law (BOL) na.
Pagod na raw ang aking kamag-aral. Nakaabot na nga sa pandinig ni Pangulong Duterte ang tungkol sa umano’y kalantahan nitong opisyal. Hindi mo nga naman masisisi ang aking kaibigan sapagkat kahit sa mga nagdaang presidente, ay lagi na lang hindi umuusad ang negosasyon sa pagitan ng pamahalaan at mga “liberation front” sa Katimugang Mindanao.
Naabutan niya si Pangulong Fidel V. Ramos at tumagal hanggang sa kasalukuyang panguluhan. Mahirap pala talaga kapag may bagong pangulo na uupo sa puwesto. Kung bago ang pangulo, maaring iba ang palakad at diskarte nito sa peace process.
Maraming mga sekreto na ibinunyag sa akin ang aking kaibigan. Mga bagay na hindi pa nababasa o nalalaman ng madla at hindi pa nabibisto ng media. Nagkasundo kami sa iisang pananaw, may depekto ang pamamaraan ng mga dating pangulo, maliban kay Presidente Erap Estrada.
Malinaw pa sa sikat ng araw, base sa mga inilatag kong mga panukala sa aming kuwentuhan, maaaring mapag-isa, hindi lang ang Katimugang Mindanao o buong Mindanao, bagkus ang buong Pilipinas, upang ganap nang mawakasan ang gera at alitan sa dulong bahagi ng bansa. Sinuportahan ng aking mga kausap ang aking pagsusuri, pang-unawa at kasagutan sa problema. Ang tumpak na solusyon ay matutukoy lamang sakaling matumbok ng pamahalaan ang puno’t dulo ng kaguluhan sa Mindanao. Wala itong kinalaman sa isyu ng “Moro” o lupaing Moro. Hanggang diyan na lang.
-Erik Espina