Isang pedikyurista, na nakatakda sanang umuwi sa kanyang probinsiya sa Bicol para sa Undas, ang pinigilang makapasok sa Araneta Bus Terminal sa Quezon City nitong Miyerkules, matapos na makumpiskahan ng 16 na bala ng M16 rifle.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ang suspek na si Bryan Bagasala, 35, tubong Barangay Bato, Santiago, Bicol.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinigilan si Bagasala na makapasok sa bus terminal nang tumunog ang metal detector habang siya ay isinasailalim sa inspeksiyon sa entrance ng terminal.
Agad na humingi ng tulong ang security guard upang alamin ang laman ng bag ni Bagasala at dito nadiskubre ang mga bala.
Sinabi ni Bagasala na nakuha niya ang mga bala isang grupo ng bata at pinaglalaruan ang mga ito.
“They might get hurt so I confiscated it from them and put it in my bag,” ani Bagasala.
Dinala si Bagasala sa Cubao Police Station (PS-7) at mahaharap sa kasong illegal possession of ammunition in relation to Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
-MARTIN A. SADONGDONG