TATLONG beses sa isang taon, panandaliang inihihinto ng mga Pilipino ang normal na takbo ng kanilang buhay upang bumalik sa kanilang mga pinagmulang bayan bilang paggunita sa mga espesyal na araw na mayaman sa pagpapahalaga sa pananampalataya at tradisyong pampamilya.
Isa sa mga ito ay ang araw na ito, Nobyembre 1, ang All Saints Day, na kasabay ng All Soul’s Day bukas, na bubuo sa iginagalang na pagdiriwang ng mga Pilipino ng Undas. Sa okasyong ito, naglalaan tayo ng panahon para bisitahin ang puntod ng ating mga namayapang mahal sa buhay, marami sa mga residente sa lungsod ang naglalakbay pa patungo ng mga probinsiya kung saan nakalagak ang kanilang mga kamag-anak. Habang ang dalawang okasyon pa ay ang Mahal na Araw na ginunita natin noong Marso at ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko sa Disyembre.
Lahat ito ay mga holiday na nakaugnay sa ating pananampalataya at nananatiling ubod nito ang mga seremonya sa simbahan ngunit ang pagtitipon ng pamilya ay mahalagang bahagi na nagbibigay-daan sa pagsasama-sama ng mga Pilipino kahit pa sila ay nakatira at nagtatrabaho sa malalayong lugar sa buong taon.
Habang inaasahan na mapupuno ng tao ang mga sementeryo ngayong araw, ang nakasanayan nang trapik sa mga lansangan sa lungsod ay mawawala lalo’t libu-libo sa mga ito ang umuwi sa kanilang mga probinsiya upang bumisita sa puntod ng kanilang pamilya. Panahon din ito para sa muling pagkikita ng dati nating mga kaibigan.
Kasabay nating nagdiriwang ng All Saints’ Day ang maraming bansa—sa Spain, Portugal, France, Austria, Germany, Belgium, Hungary, Italy, at marami pang iba sa Europa; sa Argentina, Guatemala, at lalo na sa Mexico, sa Timog America. Bagamat binibisita ng mga sinaunang Pilipino ang puntod ng kanilang mga kamag-anak sa mga kuweba, nanggaling ang Kristiyanong pagdiriwang ng Undas sa Mexico.
Nitong nakaraang Linggo, binigyang-diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na habang inaalala natin ang mga santo at ang mga namayapa nating mga mahal sa buhay sa All Saints’ Day at All Soul’s Day, ang okasyong ito ay pagdiriwang ng buhay—sa mga bulaklak, kandilang inilawan, at mga pagkain, lahat ay senyales ng buhay.
Sa mga nakalipas na linggo at buwan, dumaranas ang bansa ng mga pagsubok sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, kasabay ng mga ulat ng massacre at nanggagalaiting mga pagbatikos hinggil sa umano’y bilyong pisong halaga ng droga na nakalusot sa bansa sa kabila ng malawakang kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga.
Sa lahat ng mga pagsubok na ito, nanatiling magkakasama ang mga Pilipino at humakbang patungo sa hinaharap, at malaking bahagi ng rason nito ay ang ating pamilya. Ito ang nagpapakapit sa atin at kumukuha ng lakas mula sa mga ‘holiday’—tulad ng Mahal na araw noong Marso, tulad ng All Saints’ Day ngayong araw at tulad ng panahon ng Pasko na nalalapit na sa Disyembre.