Isang negosyanteng Chinese ang natangayan ng mahigit kalahating milyong piso makaraang mabiktima ng umano’y miyembro ng “Salisi” gang sa loob ng isang restaurant sa Pasay City, iniulat ng Southern Police District (SPD).
Dumulog sa tanggapan ng Pasay City Police si Haiming Liu, 36, ng Makati City.
Samantala, inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng lalaking suspek.
Sa naantalang ulat, naganap ang pagnanakaw sa loob ng isang restaurant na matatagpuan sa Shore Residences, SM Mall of Asia Complex, sa Pasay City nitong Oktubre 29, dakong 7:45 ng gabi.
Nasa loob ng restaurant si Liu nang tangayin ng suspek ang kanyang itim na bag, na naglalaman ng P500,000 cash; 4,000 Hong Kong dollars; driver’s license at iba’t ibang card.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang awtoridad.
-Bella Gamotea