NGAYON ay Undas o Araw ng Mga Patay. Ito ang araw ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay na minsan ay nakasama natin sa mundo ng mga buhay. Igalang natin ang kanilang mga alaala. Huwag sana nating gayahin ang kulturang kanluranin (Western culture) na ang itinatampok ay mga imahen ng mga multo, maligno, halimaw, nakatatakot na mga maskara, at costumes.

Bakit mga pangit at nakatatakot na imahen, larawan at maskara ang itatampok natin sa Araw ng mga Patay? Sabi nga ng mga paring katoliko, alalahanin natin ang yumaong mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagpapasuot sa mga bata ng mga damit-santa at kanais-nais na mga tao at hindi ng imahen ng mga kalansay, buto, bungo at kung anu-ano pang negatibo.

oOo

Naniniwala ang ilang miyembro ng Korte Suprema, kabilang si Associate Justice Marvis Leonen, na si Acting SC Chief Justice at Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang “most logical choice” sa posisyon ng Punong Mahistrado. Mismong si President Rodrigo Roa Duterte ang nagpahayag na ang pinagbabatayan niya sa paghirang sa mga sensitibong posisyon ay “seniority” ng isang miyembro. Hinirang niya noon si ex-Chief Justice Teresita Leonardo-de Castro kapalit ng sinipang ex-Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sapagkat si De Castro ang pinaka-senior matapos tumanggi si Carpio sa nominasyon.

Si Carpio ay dalawang beses nang na-bypass sa puwesto. Una ay noong 2010 at ikalawa ay noong 2012. Nang ma-quo warranto si Sereno, tumanggi siya sa nominasyon dahil sa delicadeza. Ayaw daw niyang mabenipisyuhan sa pagkawala ni Sereno. Siya ang most senior noon.

Ipinagtanggol ni PRRD sina dating commissioner Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña sa kontrobersiya sa Bureau of Customs (BoC). Hindi raw corrupt ang dalawang opisyal kundi biktima ng corrupt system ng ahensiya.

Noong panahon ni Faeldon, nakalusot sa BoC ang may P6.4 bilyong shabu na natagpuan sa bodega sa Valenzuela City. Kamakailan lang, nakalusot din sa BoC sa ilalim ni Lapeña ang P6.8 bilyong shabu. Badya ni Mano Digong: “They are not corrupt. I would not have appointed them if they were corrupt.” Wala raw magawa ang dalawa sa corruption dahil bulok ang sistema sa ahensiya at sila ay, “simply swallowed up by the system.” Kung gayon, sabi ng taumbayan, dapat silang sibakin at asuntuhan dahil sa prinsipyo ng “command responsibility”.

Para kay Vice Pres. Leni Robredo, masama ang “turncoatism” o pagiging balimbing at paruparo ng mga pulitiko sa bansa. Pinahihina raw nito at sinisira ang basic political foundation ng bansa. Ito, ayon kay beautiful Leni, ang nangyayari ngayon sa sistemang-pulitikal ng Pilipinas na palipat-lipat ng partido at katapatan ang mga pulitiko para umanib sa partido ng nanalong Pangulo.

oOo

Nag-akusa si Jose Ma. Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP), na magdedeklara ng martial law si PDu30 sa buong bansa sa Enero 2019 upang masiguro ang tagumpay ng mga alyadong kandidato.

Ayon kay Joma, magdedeklara ng martial law ang ating Pangulo sapagkat nag-aalala siyang baka matalo ang kanyang mga kandidato sa 2019 midterm elections. Takot daw si PRRD na kapag natalo ang mga kandidato niya sa Kamara at Senado, darami ang oposisyon sa dalawang kapulungan at posibleng siya ay ma-impeach.

oOo

Biro lang ba o hyperbole ang pahayag ng ating Presidente na hindi niya iintindihin kung siya man ay duraan ng magagandang dilag o babae? Ayon kay PRRD, siya ay nagsasabi ng katotohanan, at kung may maling nakita ang ibang tao rito, handa siyang duraan ng kahit sino sa mukha.

Handa raw siyang duraan, lalo na ng magagandang babae. “That is my guarantee. Bastusin mo na ako pero pagka maganda at dinuraan mo ako, ‘yung laway mo, kunin ko”, ayon sa Pangulo.

Aniya, kung ready siyang humalik sa magagandang dilag o supporters, hindi naman niya hahalikan ang mga pangit na kritiko. “Hindi lang ninyo alam, loka-loka kasi mga pangit kayo, pati mga ngipin ninyo malalaki. Hindi ako maghalik sa inyo.” Ano ang masasabi mo rito ex-presidential spokesman Harry Roque?

-Bert de Guzman