‘Di malaman, ‘di maisip
Kung anong kapalaran
Sa atin ay naghihintay.
PUMANAW kahapon si Rico J. Puno at bukod sa pakikidalamhati sa kanyang mga naulila, nais kong ipagdiwang ang kanyang mga awitin, musika, at lubos na kahusayan sa pagtatanghal.
Sa hanay ng millennials, siguradong hindi nila masasakyan ang tribute na ito. Pero para sa mga batang 70s at 80s, isa sa mga icon ng Original Pilipino Music (OPM) si Rico J.
Ganyan ang tawag sa kanya noong kasikatan niya, Rico J o Rico Baby—hindi Rico Puno. Noong wala pang social media, viral ang bawat single ni Rico J—hanggang sa amin sa bundok.
Sa family programs tuwing reunion sa ancestral home ng mga Balares noong maliit pa ako, Kapalaran ang isa sa mga paborito kong kantahin—bukod sa Yoyoy Villame ditties.
With full heart at kopyang pagbali-baliko ng katawan ng OPM icon, kahit papaano, napapatahimik ko rin ang buong angkan habang kumakanta ako—sa accompaniment ng mga uncle na puro magician sa gitara. Kahit ano pa ang kantahin mo, hahabulin nila at bibigyan ka ng mahusay na back-up.
Bilin ng prodigy kong tatay na mentor ng maraming local singers sa probinsiya namin, dapat ‘pag kumakanta ka, makagawa ka ng “silence”.
Feeling ko noong mga panahong iyon, dahil sa pagkopya-kopya kay Rico J, accepted ako ng angkan na puro musician. Wala pang muwang, kahit likas na kimi at mahiyain, nakakuha ako ng konting self-confidence sa panghihiram ng musika at boses kay Rico J.
Siya ang pinakaunang professional performer na dinayo at pinanood ko nang mag-perform sa UNEP (University of Northeastern Philippines) sa Iriga City.
Hindi ko makakalimutan ang gabing iyon. Ibang klaseng magtanghal si Rico J, walang duda, Total Performer talaga. Marami siyang baong green jokes, kasama na ang tungkol sa bumili ng hotdog na nagalit nang tanungin ng tindera kung ii-slice dahil hindi raw alkansiya ang puwet nito.
Pero sabi nga, walang nao-offend. Tumatawa ang lahat. Sabi nga ni ‘Nay Cristy Fermin, si Rico J lang ang tinatanggap na bastos sa entertainment industry.Pagpasok ko sa entertainment media, marami munang insider stories bago ko nainterbyu si Rico J. Tulad ng “pagkidnap” sa kanya ni Fernando Poe, Jr. para haranahin at suyuin ang esposang movie queen na si Susan Roces.
Ang maliliit na sigalot niya sa kapwa singers na nao-offend sa jokes niya. (Yes, revelation, may napipikon din pala sa jokes niya.) At napakaraming iba pa.No dull moments kapag siya ang humaharap sa presscons o iniinterbyu.
Napakanatural niyang makipagkapwa. Siya ang uri ng tao na kapag nakausap mo, hindi papayag na hindi ka niya napahagalpak sa katatawa. Gaya rin ‘pag nasa stage siya, bigay na bigay.
Nawalan ng napakahusay na performer ang OPM. Pero mananatili sa puso ng lahat ang kanyang tinig at masayang personalidad.
Maraming-maraming salamat sa mga awitin, musika, at pagpapakita ng halimbawa kung paano dapat harapin ang buhay na puno ng walang kasiguruhan, Rico J!
-DINDO M. BALARES