INABANGAN ng madlang pipol ang kauna-unahang guesting ni Regine Velasquez sa Kapamilya talk show na Gandang Gabi Vice ni Vice Ganda, last Sunday, October 28.

Vice

Maraming revelations sa nasabing episode, gaya nung sinabi ni Vice na si Regine mismo ang nagdesisyon na sa GGV siya unang magpapa-interview sa mga shows ng ABS-CBN.

Ayon kay Regine, gusto niyang kunin ang oportunidad na ito upang masabi kay Vice kung gaano siya ka-proud sa narating ng actor-comedian.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Kasi nakita kita noong bata ka pa and how you started, feeling ko kasali ako doon. Although hindi naman talaga ako kasali, pero I just feel so proud of you,” sabi ni Regine kay Vice.

“I’m so so proud of you in what you have achieved and every time, kapag nanonood ako ng (It’s) Showtime, you help people and you plant a seed even—the things that you say to the contestants, minsan lokohan pero minsan meron kang time na binabawi mo, nagiging serious ka.

“And I’m proud, kaya gusto ko maunang mag-guest talaga dito, dahil gusto kong sabihin sa ‘yo that I am very, very proud of you.”

Ibinalik naman ng It’s Showtime host ang magagandang salita ng Asia’s Songbird at ikinuwento niya kung gaano kalaki ang naging impluwensiya ni Regine sa kanyang career.

“At talagang bahagi ka nito, malaki kang bahagi. When I had the chance to talk to Ogie Alcasid, your husband, tinanong niya ako, ‘Alam mo, damang-dama ko, mahal na mahal mo asawa ko. Bakit mo siya idol?’ Sabi ko, ‘Alam mo, saying that Regine is my idol is an understatement. Hindi ko siya idol. She’s my hero’.”

“Talaga ba? Iiyak na naman ako, Vice!”

“Ang laki ng impluwensiya mo sa buhay ko, ang laki ng epekto mo sa buhay ko at nagsimula akong mag-ipon para bumili ako ng multiplex, ng CD mo, mag-perform nang dahil sa ‘yo, nang dahil sa kanta mo.”

Kasama pa raw ni Vice noon si Anton Diva, ang mas kilalang impersonator ni Regine.

Naalala pa nila nang minsang mag-guest sina Vice at Anton sa isang birthday special ni Regine.

“Pero alam mo, parang not everybody knows that you used to that, na nagre-Regine po talaga si Vice. So, ibig sabihin mataas talaga boses niya,” kuwento naman ni Regine.

“Oo, kaya you’re my hero. Ang laki ng bahagi mo sa buhay ko. You gave me the confidence to sing, you gave me someone to emulate. You are someone who has been inspiring me ever since mula noon hanggang ngayon.

“Kaya mahal na mahal kita. Nasa puso kita,” sabi ni Vice. “Mas mahal kita kaysa sa dyowa ko, promise,” sabay biro.

“Sa amin ni Anton, I can speak for Anton. For sure, si Anton, mas mahal ka niya kaysa sa dyowa niya,” dagdag pa ni Vice.

Sinabi naman ni Regine na tuwang-tuwa siya sa tuwing ini-impersonate at iniidolo siya ng mga miyembro ng LGBT community.

“Alam mo, hindi ko lang laging nasasabi pero mahal na mahal ko rin kayo. Mahal na mahal ko ‘yung mga tao na mula umpisa... hindi ko nga alam kung bakit gusto ako ng mga LGBT!

“’Di ko rin sure, but I appreciate that you emulate me, you copy me, and I love it every time I see someone na kinokopya ako. ‘Yung iba kasi parang dati naiinsulto sila. Ako, tawang-tawa talaga ako. Kaya ‘pag ini-invite n’yo ako... remember, in-invite niyo ako noong first concert niyo sa Music Museum, I was there and I was just happy to support you,” sabi pa ni Regine.

-ADOR V. SALUTA