Binalaan kahapon ng health at safety advocacy group na EcoWaste Coalition ang publiko laban sa nakalalasong Halloween toys, pintura, at kandila na pawang mabenta ngayong Undas.

Sa pahayag ng grupo, dapat na maging maingat ang mga magulang sa pagbili ng mga mumurahing Halloween toys at costumes mula sa mga tindera sa Divisoria sa Maynila, dahil hindi, anila, dumaan sa kinakailangang quality at safety verification ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga ito.

“There is no assurance that all toys being sold in the market are safe for our children to play with. Some of these toys might be putting vulnerable kids in harm’s way,” sabi ni Thony Dizon, chemical safety campaigner ng grupo.

Babala pa nito, may mga laruang itinuturing na “chemical, choking, fire, at laceration hazards”, at hindi maaaring laruin ng mga bata dahil sa taglay na panganib.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

“Parents should only pick safe notified or registered toys for their children and supervise them as they play to prevent any untoward incident,” ani Dizon.

Bumili, aniya, ang kanilang grupo ng 35 iba’t ibang uri ng Halloween toys, kabilang ang mga nakakatakot na headband, mascara, sandata, hammers, at mga blood-stained accessories, gaya ng mga pangil at iba pa, at sinuri ang mga ito.

Sinabi ni Dizon na nadiskubre nila na karamihan sa mga ito ay may taglay na nakalalasong kemikal, katulad ng lead, habang ang iba naman ay maaaring magdulot ng aksidente sa mga bata.

Pinaalalahanan din ng grupo ang mamamayan na suriing mabuti ang mga kandila at pinturang gagamitin ngayong Undas, dahil sa posibilidad na may sangkap ding nakalalasong kemikal ang mga ito.

-Mary Ann Santiago