SA aking pagdalaw ay bahagi na ang pagdadala ng mga bulaklak at pagtitirik ng kandila sa ibabaw ng lapida ng yumao kong kabiyak ng puso at ang pagdarasal.
Nasabi at naisulat ko sa aking pagdalaw minsan ang ganito: “Sa mga sandali ng pangungulila ko aking sinta, Nagbabalik-tanaw ang iyong kahapon at mga alaala; Bagamat sa puso, may lungkot at kirot akong nadarama, Kahapong naglaho’y may haplos-pag-asa. Sa mga sandali ng pangungulila, bigat sa dibdib ko’t hirap ng kalooban ay katulad ng mga luha ng kandilang natutunaw; Kapag ikaw sinta’y inuukulan ko ng dasal; Saan ka man naroon, lagi mong tandaan, ikaw sa gunita’y hindi mapaparam, ‘pagkat buhay-aliw ng kasuyong lumbay”.
Natatanging tanawin din kung Todos los Santos ang ‘tila agos ng mga tao at sasakyan na patungo sa mga libingan, memorial park sa mga lalawigan, bayan at lungsod. Anuman ang kalagayan sa buhay ng mga naiwan at naulila, sila’y nagdadala ng mga bulaklak at kandila. Inilalagay sa ibabaw ng mga puntod at lapida ng namayapang mahal sa buhay at kamag-anak. Sinisindihan ang mga kandila. At kahit sa anumang paraan, nag-uukol ng mahina ngunit mataimtim na dasal para sa kaluluwa ng yumaong mga mahal sa buhay at mga kamag-anak. Isang malinaw na bahagi ito ng paggunita at pagmamahal.
Bagamat walang malinaw na batayan kung saan at paano nagsimula ang kaugaliang ito ng mga Pilipino at ng mga Kristiyanong Katoliko tuwing sasapit ang Todos los Santos, ang isa sa batayan ay ang simbolo o sagisag ng ningas ng mga kandila. Sa paniniwalang Kristiyano, buhay at pagmamahal ang sagisag ng mga bulaklak at liwanag naman ang simbolo ng ningas ng kandila.
Marami namang mga Katoliko ang may paniniwala na ang liwanag ng kandila ay sagisag ni Kristo na siyang buhay, liwanag at katotohanan. Ang pagdarasal naman para sa mga kaluluwa ay batay sa sinimulan at pinalaganap ni San Odilon noong ika-10 siglo sa Abby of Kluny, France, na noon ay sentro ng mga religious at cultural activity sa Europa.
Lumaganap ang tradisyon sa iba’t ibang bansa hanggang sa ipasya ng Simbahan na ipagpatuloy ang gayong kaugalian. At upang lalong mabigyan ng kahalagahan, ipinasya ni Pope Benedict XV na ang lahat ng pari sa buong mundo ay magmisa ng tatlong beses tuwing ika-2 ng Nobyembre na sa kalendaryo ng Simbahan ay All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa.
Ang Todos los Santos ay tagapagpagunita sa katiyakan ng kamatayan. At sa katotohanan na hiram lamang sa Dakilang Maykapal ang buhay ng tao. Iisa ang kapalaran ng lahat ng tao. Isinisilang para mamatay. Ngunit ang ipinagkakaiba lamang ay ang landas na dinaraanan ng bawat isa sa atin, mula nang isilang hanggang sa huling sandali ng buhay. At ang kamatayan, tulad ng pagsikat at paglubog ng araw ay isang pandaigdig na katiyakan. Hindi maiiwasan ng tao, gaano man siya kayaman, kahirap o kadugong mahal.
Kaugnay naman ng paggunita ng All Souls’ Day, may dalawang bayan sa lalawigan ng Rizal na ang mga mamamayan ay tuwing ika-2 ng Nobyembre nagtutungo sa mga libingan. Ang una ay ang Angono, Rizal na bayan ng dalawang National Artist na sina Carlos Botong Francisco at Maestro Lucio D. San Pedro. Ang kanilang libingan ay magkalapit sa Angono Catholic Cemetery. Ang ikalawa ay ang bayan ng Cardona sa Eastern Rizal.
Sa Timog Katagalugan naman ay ang mga bayan ng Alitagtag, Calaca at Lemery, Batangas. May ilan ding bayan sa Ilocos at maging sa Kabisayaan na tuwing ika-2 ng Nobyembre nagtutungo sa mga libingan ang mga tao para dalawin ang puntod ng yumao nilang mahal sa buhay at iba pang kamag-anak.
Kahit sinasabing nagbabago ang panahon at taun-taon ay tumataas ang presyo ng mga bulaklak at kandila tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day, hindi naman nagbabago ang pagpapahalaga sa mga namayapang mahal sa buhay. Nakaugat at matibay na bahagi na ito ng kulturang Pilipino. Namatay man sila at wala na sa ating piling, sila naman ay buhay sa ating pagmamahal, alaala at mga dalangin
-Clemen Bautista