NAPAGANDA ni Neil John Tabanao ang katayuan sa super bantamweight at featherweight division matapos pabagsakin sa 10th round at talunin via 10-round unanimous decision ang kababayang si Eduardo Mancito nitong Oktubre 27 sa Tolentino Sports and Activity Center, Tagaytay City, Cavite.

Ito ang ikaapat na sunod na panalo ni Tabanao mula nang matalo sa puntos kay Tokyo-based South Korean Tae Il Atsumi noong Abril 23, 2017 sa Osaka, Japan na kaagad niyang sinundan ng panalo via 3rd round TKO kay Thai Yotchanchai Yakaeo noong Marso 17, 2018 sa Bendigo, Victoria, Australia para mauwi ang WBF Asia Pacific super bantamweight title.

Bago ito, natalo sa 12-round unanimous decision si Tabanao kay Isaac Dogboe sa kanilang unification bout para sa hawak niyang WBO Oriental featherweight title at hawak ng Ghanaian na WBO Africa 126 pounds title noong Agosto 26, 2016 sa Accra, Ghana.

Maganda ang ipinakita ni Tabanao sa laban kay Dogboe ngunit mahirap manalo sa puntos sa Ghana na kailangang patulugin ang karibal para magwagi. Si Dogboe ngayon ang WBO super bantamweight tilist matapos patulugin sa 11th round ang Mexican American na si Jessie Magdaleno noong Abril 28, 2018 sa Liacouras Center, Philadephia sa United States,

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Umaasa si Tabanao na muling magbalik sa WBO rankings kaya gusto niyang lumaban sa world ranked fighter sa kanyang susunod na laban para magkaroon ng pagkakataon sa rematch kay Dogboe.

-Gilbert Espeña